Kulam
NOONG siya ay bata pa at may kaklase na nanakit sa kanya, pisikal man o emosyunal, napapansin niyang nagkakasakit ang mga kaklaseng gumawa ng masama sa kanya kinabukasan. Nalalaman niya na nagkasakit ang mga ito dahil nagpupunta sa school ang mga magulang at ipinaaalam sa titser na maysakit kaya hindi makapasok. Naisip niya, pinaparusahan marahil ng Diyos ang mga ito dahil salbahe. Kaya kahit minsan ay hindi niya natutuhang mang-away ng kapwa dahil natatakot siyang magkasakit. Isa pa alam niyang wala silang pera para pambili ng gamot o pampakonsulta sa doktor.
Minsan ay may nakatalo sa palengke ang kanyang ina. Ito ay ina ng kanyang kaklase na kilala sa pagiging mapangmata ng kanyang kapwa dahil maykaya sa buhay. Sa gitna ng mainitang pagtatalo ay nakapagbitaw ng salita ang kaaway ng kanyang ina: Palibhasa…mga patay gutom…
Nagpupuyos sa galit ang kanyang ina nang umuwi sa bahay. Sinundan niya ang ina na pumasok sa kuwarto dahil naisip niyang baka kumuha ng kung anong armas na gagamitin sa kaaway para makaganti. Pero iba ang tumambad sa kanya: Isang kahon na yari sa kulay itim na kahoy. Inilabas ng kanyang ina ang maliit na libro, kandilang itim at madungis na rag doll na may nakatusok na mga aspile. Sinindihan ang itim na kandila. Binasa ang nakasulat sa libro. Pagkatapos ay buong galit na pinagtutusok ng aspile ang maliit na rag doll.
Lumipas ang maraming araw, minsan ay umiiyak na pumasok ang anak ng nakaaway ng kanyang ina at sinabing na-stroke daw ito. Maliit lang ang kanilang bayan kaya nakarating din agad sa kanyang ina ang nangyari sa kanyang nakaaway. Kitang-kita niya ang lihim na pagngisi ng kanyang ina pagkarinig sa balita. Noong panahong iyon ay dalagita na siya. Hindi siya bobo para makabuo ng konklusyon sa pinaggagawa ng kanyang ina. Kinukulam nito ang mga taong nakakaaway nito at ang mga kaklaseng nang-away sa kanya noong araw. Kahit pa sabihing gumaganti lang siya, gawain pa rin ng isang demonyo ang ginagawa ng kanyang ina. Kaya pala hindi sila makaahon sa kahirapan, iyon ang karma ng pangungulam ng kanyang ina.
Isang araw, inabot ng malakas na ulan ang kanyang ama habang nagtatanim ng mga gulay sa bukid. Biglang kumidlat at tinamaan ito. Tila isang nasunog na litson ang hitsura ng bangkay ng kanyang ama. Nang makita niyang umiiyak ang kanyang ina at sinisisi ang Diyos sa nangyari, ito lang ang nasambit niya: Ngayon, Diyos naman ang sinisisi mo sa pagkamatay ni Ama. Sige kulamin mo ang Diyos para masunog nang tuluyan ang kaluluwa mo sa impiyerno!
- Latest