Gamboa, pinaigting ang kampanya vs tiwaling pulis!
PAIIGTINGIN ni Philippine National Police (PNP) OIC Lt. Gen. Archie Gamboa ang kampanya para maligwak na ang mga bugok sa kanilang hanay. Nadidismaya si Gamboa na kahit itinaas na ang suweldo nila ni President Digong, marami pa sa kapulisan ang naliligaw ang landas. Kung sabagay, sangkaterbang tiwaling pulis na ang nahuli sa kasong extortion at iba pa subalit parang mayroon pa ring hindi siniseryoso ang internal cleansing ng PNP, ‘di ba mga kosa? Ang masama n’yan, ang mga nahuling pulis ay tinitiyak ni Gamboa na hindi na makakabalik sa pagka-pulis kaya’t sinayang nila ang kinabukasan, kasama na ang kanilang mga pamilya. Araguuyyy! Kaya para lalong isulong ang internal cleansing nila, ‘wag kayong magtaka kung mag-expand ang Integrity Monitoring and Enforcement Group (IMEG) na pinangungunahan ni Col. Ronald Lee para tugunan ang kautusan ni Gamboa na tuldukan na ang kahibangan ng mga kotong o tiwaling cops. Get’s n’yo mga kosa? Ayon kay Lee, magkaroon sila ng opisina sa Luzon, Visayas at Mindanao para mabilisang matugunan ang mga reklamo ng publiko laban sa mga tiwaling pulis nga. Hak hak hak! Kaya tumino na kayong mga pulis. Hindi kayo sasantuhin ni Col. Lee, hehehe! Kanya-kanyang gimik lang ‘yan! Tumpak!
Sa kautusan ni Gamboa, ang priority ni Lee na ilambada ay ang mga pulis na sangkot sa droga o ‘yaong tinatawag na “ninja cops.” Siyempre, palaging nakabuntot dito ang mga kotong cops o extortion ang lakad. Ang mga tambay naman sa casino na nasa likod ng malakasang patubuan at ‘yung nakikita sa sabungan ay hahabulin din. Araguuyyy! Hindi rin makakaligtas ang mga pulis na sangkot sa escort service, lalo na sa mga trak na may lamang ilegal na cargo at sa mga karo ng patay, at ang mga naglalaro ng golf sa oras ng trabaho. At kasama ang Internal Affairs Service (IAS), hahambalusin din ng IMEG ang mga sangkot sa katiwalian sa frontline services ng PNP, tulad ng sa Firearms and Explosive Office (FEO) at Highway Patrol Group (HPG). Araguuyyy! Hak hak hak! Kapag natupad lahat ang kautusan ni Gamboa sa IMEG, aba tiyak mababago ang imahe ng PNP at manumbalik ang tiwala ng publiko sa kanila. Tumpak!
Kung sabagay, masasabi kong buwenas si Lee dahil pag-upo niya sa IMEG, nagpalabas ng Resolution No. 2019-854 ang National Police Commission (NAPOLCOM) na pirmado ni DILG Sec. Eduardo Año para isama sa Table of Organization (TO) ang opisina n’ya. Ang ibig sabihin ng Napolcom resolution mga kosa, ay pang heneral na ang IMEG position kaya napremyuhan kaagad si Lee. Kaya sa mga tiwaling pulis, magbago na kayo dahil tiyak magsisipag si Lee para suklian ang suwerte niya kina Año at Gamboa. Araguuyyy! Hak hak hak! Kaya ang payo ni Gamboa sa mga pulis, hindi dapat panandaliang kaligayahan ang isipin nila kundi ang matagalang serbisyo para todong makinabang sila at kanilang pamilya sa mataas na sahod at iba pang benefis nila galing kay Digong. Get’s n’yo mga kosa? Abangan!
- Latest