Crackdown sa mga ‘pasaway’
Mahigit sa 4,000 na ang nahuhuling mga ‘pasaway’ sa lansangan sa inilunsad na ‘nationwide intensified enforcement’ sa mga batas trapiko. Ang Land Transportation Office (LTO) ang siyang pangunahing ahensya na nagsasagawa ng operasyon katuwang ang iba’t iba pang ahensya at law enforcement units.
Target ng naturang kampanya ang mga ‘pasaway’ na driver na sa kabila ng mga nauna nang paglabag, ayun patuloy at paulit-ulit na lang na tila binabalewala ang batas.
O hindi nga ba’t natuklasan ng MMDA kamakailan na sangkaterba palang mga driver ang karamihan ay may mahigit sa isang daan hanggang limang paglabag, pero nakakapagtaka na nakakapagmaneho pa sa lansangan at ang mga paglabag lalo pang nadadagdagan.
Karamihan sa mga pinaghuhuli ay lumabag sa Republic Act (RA) 4136 o Land Transportation and Traffic Code dahil walang plaka, walang rehistro at mga kahalintulad na paglabag.
Pangalawang traffic violation ang hindi pagsi-seatbelt na nasa 1,358 ang nahuli kasunod ng halos 900 na hindi nagsusuot ng helmet na mga motorcycle rider.
Hindi lang yan, tinikitan din ang ilan dahil sa paglabag sa anti-distracted driving o paggamit ng cellphone habang nagmamaneho o may mga gamit na nakaharang sa dashboard ng kanilang sasakyan na nagsisilbing sagabal.
May nahuli ring lasing habang nagmamaneho, ilan pa ay lumabag sa Children’s Safety on Motorcycles Act of 2015.
O di ba, talagang mga pasaway? Simpleng mga batas hindi sinusunod, may sariling mga mundo, kapag nasita, magagalit sasabihin inaapi eh sa matagal na panahon ganito ang kanilang gawi.
Sana ay hindi ‘ningas kugon’ ang paghabol sa mga pasaway sa lansangan, para makita na kailangan talaga ang disiplina at hindi kung ano ang gusto nila.
- Latest