Ano ang kailangang gawin ng solong anak para mailipat sa pangalan niya ang mana mula sa namayapang mga magulang?
Dear Atty.,
Namayapa na po pareho ang mga magulang ko at nag-iisang anak lamang ako. Kailangan ko pa po bang pumunta sa korte upang maayos ang paglilipat ng pangalan ng mga ari-ariang naiwan nila?
Rolly
Dear Rolly,
Hindi mo nabanggit kung may naiwan na huling kasulatan o last will and testament ang iyong mga magulang. Kung wala namang last will at wala rin namang pinagkakautangan ang mga magulang mo nang sila ay namayapa, hindi mo na kakailanganin pang humarap sa korte dahil alinsunod sa Section 1, Rule 74 ng Rules of Court, kailangan mo na lang gumawa o magpagawa sa abogado ng “Affidavit of Self-Adjudication” kung saan karaniwang nakasaad ang mga sumusunod: 1) na ikaw lamang ang tanging tagapagmana ng mga magulang mo; 2) na walang iniwang utang o anupamang obligasyon ang mga magulang mo nang sila ay namatay na; 3) ang mga naiwang ari-arian ng mga magulang mo kasama pati ang kanilang mga deskripsyon at 4) na inililipat mo na sa pag-aari mo ang mga ari-ariang ito.
Katulad ng mga extrajudicial settlement, kailangan ding ipa-notaryo mo ang “Affidavit of Self-Adjudication” mo bago ito i-file sa Register of Deeds. Kailangan din na ipalathala mo sa isang pahayagan ang nasabing affidavit isang beses kada linggo sa loob ng tatlong linggo.
Muli, didiretso ka lamang sa paggawa ng “Affidavit of Self-Adjudication” kung walang pinagkakautangan ang iyong mga magulang at wala silang iniwang last will. Kung may pinagkakautangan, kailangang bayaran ito mula sa ari-ariang naiwan at saka lamang maililipat sa pangalan mo ang natira. Kung may last will naman, wala kang magagawa kundi humarap sa korte na susuri at magbibigay bisa sa huling kasulatan ng iyong mga magulang.
Sana’y nasagot ko ang iyong katanungan. Paalala lamang sa mambabasa na ang nakasaad na payo rito ay base lamang sa inilahad ng sumulat at maaring hindi ito maging angkop sa ibang sitwasyon.
- Latest