EDITORYAL - Reckless driving, dahilan nang maraming aksidente
SUNUD-SUNOD ang mga nangyayaring malalagim na aksidente sa kalsada. Noong nakaraang linggo, isang van at pampasaherong bus ang nagbanggaan sa Camarines Sur na ikinamatay ng pito katao. Pawang mga sakay ng van ang namatay. May iniwasan umano ang bus kaya nabangga ang kasalubong na van.
Nooong nakaraang linggo pa rin, isang pampasaherong jeepney ang nawalan ng preno sa Rodriguez, Rizal, na ikinamatay ng isang pasahero at ikinasugat nang marami pang iba. Punumpuno umano ang jeepney at palusong nang mawalan ng preno.
Kamakalawa, isang motorcycle rider ang pumailalim sa isang trailer truck sa Bonifacio Drive. Ayon sa mga nakasaksi, biglang sumingit ang rider sa kanang bahagi at nahagip siya ng truck sa pagpihit nito. Patay ang rider.
Sa report ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (HPG), apat katao ang namamatay araw-araw dahil sa aksidente sa kalsada. Mula Enero hanggang Setyembre ng taon na ito, umabot na sa 9,663 ang naitalang aksidente sa kalsada at nagresulta ito sa pagkamatay ng 1,186 katao. Ang Pebrero ang may pinakamaraming namatay, 188 at sinundan ng Setyembre, 186 at Abril, 161.
Ayon sa HPG, karaniwang dahilan ng aksidente ay ang reckless driving. Marami umano ang nagkakamali sa pag-o-overtake kaya nababangga ang nasa kabilang lane. Marami rin ang naaaksidente dahil sa overspeeding. Karaniwan ding dahilan ay ang pagmamaneho ng lasing at ang paggamit ng cell phone habang nagmamaneho. Sabi ng HPG, kung mapapanatili ng mga driver ang safe na pagmamaneho, maiiwasan ang mga aksidente.
Isa sa dapat gawin ng Land Transportation Office (LTO) ay idaan sa butas ng karayom ang pagkuha ng driver’s license. Marami ang nakakakuha ng lisensiya kahit walang kasanayan sa pagmamaneho. Maghigpit ang LTO para walang masangkot sa aksidente. Isaayos din naman ng DPWH ang mga kalsada, lagyan ng signages ang mga kurbada at palusong para makaiwas sa aksidente.
- Latest