^

Punto Mo

Higpitan ang ‘turnilyo’ ng pambansang disiplina

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

UGALI na nating mga Pilipino na okupahan ang mga kalsada na para bang tayo ang may-ari ng mga ito. Makipot na’y lalo pang pinakipot ng mga estrakturang itinayo ng mga taong walang pakialam sa mundo. Pinalapad nga ang maraming kalsada, pero ginawa namang terminal ng mga sasakyan, vulcanizing shop, karinderia, at tindahan ng kung anu-anong paninda.

Ang ganitong ugali ay nagpapakita sa kawalan natin ng malasakit sa pambansang kapaka­nan.  Lagi nating inuuna ang pansariling kapakanan kahit maapektuhan ang iba. Di baleng makaistorbo, huwag lang maistorbo.  Kaya’t ang utos ni Presidente Duterte kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na bawiin ang mga kalsada mula sa pribadong paggamit ay hindi lamang naglalayong paluwagin ang mga kalsada upang mabawasan ang masikip na trapiko, kundi upang ibalik tayong lahat sa katinuan ng pag-iisip, upang sikipan ang lumuwag na “turnilyo” ng ating pambansang disiplina.  Hangga’t hindi tayo nakakawala sa pagkamakasarili ay mababaon tayo sa kangkungan.

Nakasalalay sa determinasyon ng mga pinuno ng mga local government units ang pagbawi sa mga kalsada. Gaano ba sila kadeterminado?  Ayon sa pinakahuling data ng DILG, umaabot sa 101 mga mayor sa mga siyudad at munisipyo ang sasampahan ng kaso dahil sa pagwawalang-bahala at hindi lubusang pagsunod sa kautusan ng DILG. Umaabot naman sa 393 ang masabi lang na sumunod, ngunit kulang na kulang ang mga ginawa. Ang todong pagsunod ay nangangahulugan ng pagpapatibay ng ordinansa sa pagkakaroon ng disiplina sa kalsada at aktuwal na paglilinis ng kalsada at paglalaan ng maayos na puwesto sa mga vendors. Ang mga tamad na pinuno ay dapat lamang maparusahan. Hindi sila karapat-dapat sa kanilang tungkulin.

Isa sa naging kamangha-mangha ang pagsunod ay ang Maynila sa pangunguna ni Mayor Isko Moreno. Nang lumuwag at luminis ang Divisoria na kilala sa pagiging masikip at marumi ay namangha ang lahat at naibulalas ng marami, “puwede naman palang gawin.” Puwede talagang mangyari kung determinado ang mga namumuno. Babalik at babalik ang mga taong nasanay sa paggawa ng bawal kung walang nanghuhuli.  Kaya’t labanan ito ng determinasyon sa pagitan ng tagapagpatupad ng batas at tagalabag ng batas. Kailangang laging mas determinado ang mga nagpapatupad ng batas kaysa mga lumalabag ng batas.

Malayu-layo pa ang ating tatahakin bago tuluyang humigpit ang lumuwag na “turnilyo” ng ating pambansang disiplina.  Ang responsableng mamamayan ay susunod sa batas may nakakakita man o wala. Ito ang kahulugan ng integridad, ang paggawa ng tama at mabuti, may nakakakita man o wala. Pero sa totoo lang, lagi namang may nakakakita sa anumang ating ginagawa, ito’y ang Diyos. Sa Kanya tayo mananagot, sa Kanya tayo magbabayad ng anumang utang na bunga ng ating paglabag sa atas ng katotohanan at kabutihan.

May sabi-sabi na maraming Pilipino ang naniniwala na may Labindalawang Utos, higit ng dalawa sa Sampung Utos ng Diyos.  Ang ika-labing-isang utos ay, “Huwag kang pahuhuli sa paggawa ng di mabuti.” Ang ika-labindalawang utos ay “Huwag kang aamin kung sakaling ikaw ay mahuhuli.”

Ang pagluwag ng ating mga kalsada ay nakadepende sa pag-iral ng disiplina. Ang pag-iral ng disiplina ay nakadepende sa mahigpit na pagpapatupad ng disiplina ng mga namumuno at ng buong-pusong pagsunod ng bawat mamamayan.

.  Ito ang iniutos ni Presidente Duterte kay bilang isang mahalagang hakbang sa pagpapaluwag ng trapiko sa buong bansa, lalo na sa mga kalunsuran.   

DISIPLINA

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with