EDITORYAL – Banta rin ang TB sa mga Pinoy
HINDI lamang ang polio, tigdas, dengue at leptospirosis ang banta sa buhay ng mga Pilipino kundi pati na rin ang tuberculosis (TB). Ayon sa World Health Organization (WHO), pang-apat ang Pilipinas sa mga bansang may mataas na insidente ng TB. Nangunguna ang India na sinundan ng China, Indonesia, Pakistan, Nigeria, Bangladesh at South Africa.
Ayon sa WHO 2019 Global Tuberculosis Report, tinatayang 591,000 Pinoys ang nagkasakit ng TB noong nakaraang taon at 26,000 sa mga ito ang namatay. Bukod pa rito ang 600 na namatay dahil naman sa “HIV positive TB”.
Ayon sa WHO, bagama’t sa mga nakalipas na taon ay naging stable o hindi naging mataas ang pagkalat ng TB, nakapagtataka na marami na naman ang naiulat na nagkasakit noong 2018. Ayon sa WHO, maaaring ang pagkatakot ng mga Pilipino sa bakuna ang dahilan kaya muling nananalasa ang TB. Ang bakuna para sa TB ay tinatawag na Bacillus Calmette-Guerin (BCG) na ibinibigay sa mga batang bagong silang.
Natakot ang karamihan ng mga magulang sa Dengvaxia vaccine dahil may mga batang namatay makaraang bakunahan noong 2016. Itinigil noong 2017 ang pagbabakuna ng Dengvaxia. Dahil sa takot, pati bakuna para sa tigdas at polio ay kinatakutan na rin. Ito ang maaaring dahilan kaya may mga nagka-polio, nagkatigdas at nagka-TB.
Isa sa mga problemang nakikita ng WHO ay ang kakulangan ng Pilipinas sa bakuna laban sa TB. Nakita ng WHO na bumaba ng 61 percent ang mga nagpabakuna laban sa TB noong nakaraang taon. Noong 2011, naitala ang mataas na 91 percent ng mga nagpabakuna.
Katulad ng paghikayat ng DOH sa mamamayan na magpabakuna laban sa polio at tigdas, dapat ganito rin ang gawin sa TB. Kailangang mabakunahan ang mga bata para makaligtas sa panalalasa ng TB. Madali lang gamutin ang TB kaya hindi ito dapat katakutan – magpabakuna laban dito.
- Latest