EDITORYAL - Hindi makatao ang 2-year probationary period
HINDI makatao at lalong hindi makatarungan ang panukalang batas na isinusulong ni Ako Probinsiyano party-list Rep. Jose Singson Jr. Iminumungkahi ng mambabatas na gawing 2 taon ang probationary period ng mga manggagawa mula sa dating 6 na buwan lang. Para kay Singson, ang anim na buwan na probationary period ay hindi sapat para makita kung may kakayahan ang manggagawa sa kanyang trabaho. Kulang aniya ang anim na buwan para makita na kuwalipikado ang manggagawa. Kung 2 taon aniya bago ma-regular sa trabaho ang manggagawa, nakasisiguro na may kasanayan na ito. At sabi ng mambabatas, sinasang-ayunan siya ng mga employer sa panukalang ito.
Masyadong brutal ang panukalang ito. Kapag naaprubahan ito, lalo lamang ibinaon ni Singson sa karukhaan ang mga manggagawa. Ibig niyang sabihin, dalawang taon na magtatrabaho ang manggagawa na walang proteksiyon. Paano kung pagkalipas ng 2 taon ay hindi pa rin siya ma-regular o hindi nakapasa sa probationary period?
Maski si Labor Secretary Silvestre Bello III ay hindi sang-ayon sa panukalang batas. Sabi ni Bello, mahaba na nga ang 6 na buwan na probationary period at ngayon ay gagawin pang 2 taon. Hindi ito makatao, ayon sa Labor secretary. Maski si Senate President Tito Sotto ay kinondena ang panukala ni Singson. Hindi aniya ito dapat aprubahan.
Maraming grupo ng manggagawa ang bumatikos at lantarang nagpahayag ng pagtutol sa panukala ni Singson. Sabi ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP), lubusan nilang ni-reject ang proposal ni Singson. Ito ay panibago na namang sistema ng pang-aalipin sa mga manggagawa. Hindi dapat mangyari ang ganito na lalong pinahihirap ang kalagayan ng mga manggagawa.
Ibasura ang panukalang ito. Hindi ito makabubuti sa manggagawa na lalo lamang malulubog sa kumunoy ng kahirapan. Sa halip na pagaanin nito ang buhay lalo lamang pabibigatin. Ang dapat ipanukala ni Singson ay kung paano makalilikha nang maraming trabaho para sa mga dukha at hindi itong pahihirapin ang probationary period. Isipin sana niya ang kalagayan ng mga mahihirap na gustong magkatrabaho.
- Latest