^

Punto Mo

Maari bang ikasal nang walang marriage license?

DEAR ATTORNEY - Atty. Aeron Aldrich B. Halos - Pang-masa

Dear Attorney,

Nais na naming magpakasal ng aking live-in partner. Anim na taon na po kaming nagsasama at may nakapagsabi sa amin na baka hindi na namin kailanganing kumuha ng marriage license dahil nga matagal na naman kaming namumuhay sa iisang bubong. Tama po ba ang sinabi sa amin? -- Helen

Dear Helen,

Kailangang kumuha ng marriage license ang lahat nang nakatakdang ikasal dito sa Pilipinas. Ang kawalan ng marriage license ay magdudulot ng kawalang-bisa ng kasal at ito’y maaring gamiting ground o dahilan sa  pagpapa-annul nito.

Sa kabila nito, mayroon namang mga exemptions na nakasaad sa Family Code kung saan hindi na kailangang kumuha ng marriage license ng mag-iisang dibdib.

Isa sa mga exemption ay makikita sa Article 34 ng Family Code. Ang nasabing probisyon ay  ukol sa “co-habitation” ng dalawang ikakasal sa loob ng nakalipas na 5 taon bago ang araw ng kasal. Ang ibig sabihin ng co-habitation ay ang pagsasama bilang mag-asawa sa iisang bubong ng 2 tao na bagama’t hindi naman mag-asawa ay wala namang legal na balakid para sila ay makasal.

Dahil 6 na taon na kayong nagsasama ay maaring hindi na kayo kumuha ng marriage license at ang kailangan n’yo na lang gawin ay magsumite ng Affidavit of Cohabitation sa inyong lokal na civil registry. Ilalagay n’yo sa nasabing affidavit ang sinumpaang salaysay ninyo na 5 taon na kayong nagsasama bago ang kasal.

Alinsunod sa desisyon ng Korte Suprema sa kaso ng Niñal v. Bayadog (G.R. No. 133778, 14 March 2000), kailangan din na malinaw na nakasaad sa affidavit na ang 5 taon n’yong pagsasama bago ang inyong kasal ay tuluy-tuloy at hindi paputol-putol. Nakalagay rin dapat doon na  eksklusibo ang inyong naging pagsasama para sa isa’t isa sa loob ng panahong iyon at  ang tanging dahilan kung bakit hindi kayo matatawag na mag-asawa ay dahil hindi pa kayo naikakasal.

Sana’y nasagot ko ang iyong katanungan. Paalala lamang sa ating mga mambabasa na ang payo na nakasaad dito ay base lamang sa inilahad ng sumulat at maaring hindi ito maging angkop para sa ibang sitwasyon.

MARRIAGE LICENSE

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with