^

Punto Mo

Paano kung ang pulis ay naging ‘ninja’?

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

NAPAKAHALAGA ng papel ng pulis sa anumang lipunan. Ang pulis ang responsable sa pananatili ng kaayusan, katahimikan at kaligtasan ng komunidad, tagapagpatupad ng batas, tagahanap at taga-imbestiga ng mga krimen. Paano kung ang tagapagpatupad  ay naging tagalabag ng batas?  Paano kung ang bantay ay naging bantay-salakay?

Ito ang nakatatakot na nangyayari ngayon sa ating lipunan.  Nabahiran ang imahen ng pulisya dahil sa mga miyembro nito na sangkot sa krimen, lalo na sa ilegal na droga. Ito kaya ang dahilan kung bakit hindi mahuli-huli ang tinaguriang mga “drug lords” at ang nahuhuli lamang ay ang mga “drug slaves”?

Hindi naman lahat ng 170,000 tauhan ng Philippine National Police (PNP) ay sangkot sa krimen.  Mas nakararami pa rin ang matitino, pero dahil sa masamang gawain ng iilan, nadadamay ang lahat.

Ang aking ama na sumakabilang-buhay noong 2010 ay isang pulis, miyembro ng tinatawag na “Manila Finest.”  Noong araw, iginagalang ang mga pulis, nagmamano pa nga sa kanila ang mga kabataan. Noon, gugustuhin ng sinuman na may makatabing pulis, sapagkat iyon ay nanga­ngahulugan ng kaligtasan.  Pero ngayon, walang sinumang gugustuhing makatabi ng pulis, sapagkat iyon ay maaaring mangahulugan ng kapahamakan.

“Ninja cops” kung tawagin ang mga pulis na sangkot sa muling pagbebenta ng mga nahuhu-ling droga. Ang ibig sabihin ng “ninja” ay eksperto sa isang kaalaman o gawain. Ang “ninja” ay eksperto sa tradisyunal na sining ng pakikipaglaban ng mga Japanese na kung tawagin ay “ninjutsu.”  Saan eksperto ang mga “Ninja Cops” dito sa atin? Eksperto sila sa paghuli, ngunit pagkatapos ay sa pagbebenta ng mga nahuling ilegal na droga.

Sa isang pagdinig na ginawa ng Senado, labintatlong pulis na noon ay nasa ilalim ng pamamahala ng ngayon ay PNP chief Gen. Oscar Albayalde ay inakusahang nagbenta ng nahuling 200 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P700 milyon. 38 kilos lamang ang idineklarang nahuli at pinakawalan pa ang drug lord matapos diumanong magbayad ng P50 milyon.  Idinadawit din ang pangalan ng PNP chief, sapagkat diumano’y tinangka niyang makialam sa kaso. Ang mga sangkot na “Ninja cops,” sa halip na matanggal sa puwesto at makulong, ay ibinaba lamang ang mga ranggo. Wika nga sa English expression, “they were able to get away with murder.”

Nagiging mabuway ang “justice system” sa isang lipunan kapag ang mga nagkakasala ay hindi napaparusahan. Kapag nagkaganito, maiingganyo ang gumawa ng krimen na umulit at maaaring mas malaking krimen pa ang gagawin. Bukod pa rito, maiingganyo ang iba na gumaya, sapagkat madali naman pa lang lusutan.

Kailangang maibalik ang PNP sa mataas na moralidad. Hindi lamang importanteng nadaragdagan ang suweldo ng mga pulis, lalong mahalagang nadaragdagan ang kanilang dangal at pagkatao.  Ako’y natutuwa na maraming simbahan ang aktibo sa “Moral Recovery Program” ng kapulisan. Wala itong kinalaman sa relihiyon.  Ito’y may kinalaman sa relasyon sa Diyos. Kapag itinuring ng bawat pulis na ang pagtupad sa kanyang tungkulin ay paraan ng pagsamba niya sa Diyos, gagawin niya ang lahat ng mabuti at hindi siya gagawa ng anumang krimen.

Sa halip na mga “Ninja cops” na eksperto sa paggawa ng kasamaan, nawa ang ating mga pulis ay maging mga “Subarashidesu Cops.” Ibig sabihin ng salitang Japanese word na ito ay “great.”  “Subarashidesu Cops,” mga dakilang pulis na magiging tunay na tagapagbantay natin laban sa masasamang-loob.

 

NINJA

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with