Tanging asawa lamang ang may karapatang magsampa ng concubinage
Dear Atty.,
Ilang taon na pong hiwalay ang mga magulang ko. Naghiwalay po sila nang mabisto ng nanay ko na nambababae po ang aking ama. Simula noon ay hindi na po nagsama sa iisang bubong ang aking mga magulang. Kamakailan po ay nabalitaan ng aking mga tiyahin na may kinakasama nang iba ang aking ama kaya gusto sana nila sampahan ng kasong concubinage ang aking ama. Ayon sa kanila, sila na lang daw ang maghahabla dahil ayaw nang gumastos ng nanay ko at wala na rin daw itong pakialam sa aking ama. Maari po ba itong gawin ng aking mga tiyahin?
Rina
Dear Rina,
Ang isang lalaki ay mapaparusahan para sa krimen ng concubinage kung (1) ibinahay niya ang kanyang kabit sa tahanan nila ng kanyang asawa; (2) nagkaroon siya ng sekswal na relasyon na masasabing eskandaloso; o (3) ibinahay niya ang kanyang kabit sa ibang bahay at nagpakilala o namuhay sila bilang mag-asawa.
Base sa iyong kuwento, maaring maharap sa kasong concubinage ang iyong ama dahil sa pagkakaroon niya ng kinakasama habang kasal pa siya sa iyong ina. Ngunit kung sakaling sasampahan n’yo siya ng concubinage, kailangan ang iyong ina ang mismong magreklamo dahil private crime ang nasabing krimen.
Ang concubinage ay isang uri ng private crime. Kapag private crime ang isang krimen, tanging ang naagrabyado lamang ang magsampa ng kaso laban sa inirereklamo. Taliwas ito sa ibang klase ng krimen na masasabing kasalanan sa pangkalahatang kaayusan at katahimikan ng lipunan kaya maari itong isampa de oficio o ng mga awtoridad.
Dahil isang private crime ang concubinage, kailangang ang nanay mo ang magsampa ng kaso. Hindi maaring ang iyong mga tiyahin o ibang tao ang magsampa nito dahil hindi naman sila ang naagrabyado ng sinasabing pangangaliwa ng iyong ama.
Nawa’y nasagot ko ang iyong katanungan. Paalala lamang sa mga mambabasa na ang nakasaad na payong legal dito ay batay lamang sa inilahad ng sumulat at maaring hindi ito maging angkop sa ibang sitwasyon.
- Latest