Totoy, sinuntok daw ni Kapitan?!
WALA sa bokabularyo namin ang salitang “kampihan”. May proseso kaming sinusunod at sinisiguro naming patas at balanse kami sa bawat reklamong tinatrabaho namin.
Hindi porket may naunang magsumbong, e ‘yun na agad ang papanigan namin. Mali! We do not tolerate bias system and we will never be one-sided.
Kamakailan, sumugod sa BITAG Action Center ang mag-inang Marife at Alvin Go na inirereklamo ang kanilang kapitan sa Barangay Chrysanthemum, San Pablo, Laguna. Nanuntok daw kasi si Kap at nang-aagaw pa ng lupa.
Kuwento ni Alvin, bigla na lang pinalinis ni Kap. Restituto Hernandez ang kanilang bakanteng lote nitong Linggo. Gusto raw kasi ni Kap na gawing paradahan ito ng mga pakalat-kalat na tricycle sa kanilang lugar.
Nang sawayin ni Aling Marife si Kap at kanyang mga tauhan, nagkagulo kaya kinuhaan ng video ni Alvin ang nangyayari. Si Kap, nainis daw sa pagvi-video at bigla raw sinuntok si Alvin.
Live sa Pambansang Sumbungan Aksyon Ora Mismo, kinausap ko ang inirereklamong si Kap. Restituto Hernandez para sagutin ang akusasyon laban sa kanya.
Wala raw siyang ni katiting na interes na agawin ang lupa na nasa pangangalaga ni Aling Marife. Parte ng kanyang paglilingkod sa mga residente ng Bgy. Chrysanthemum ang ginawang clearing operations sa bakanteng lote ni Aling Marife at sa iba pang sakop ng 5-meter danger zone na itinalaga ng Philippine National Railways (PNR) para sa gagawing widening project.
Bayanihan pa nga raw ang mga residente sa paglinis ng ga-bundok na basura na dalawang dekada ng nakatambak sa lugar. Sa isyu ng panununtok, inamin ni Kap na nagkasagutan sila ni Aling Marife pero walang panununtok na nangyari sa anak nitong si Alvin. Kinabig niya lang ang cell phone na pinamvi-video at saktong tumama ito sa bibig ni Alvin kaya may tama siya sa nguso.
Malinaw na walang pangangamkam ng lupa at walang pananakit na naganap taliwas sa sumbong ng mag-ina laban sa kanilang Kapitan.
Forte ng BITAG ang pag-iimbestiga. Kung intensyon n’yong gamitin ang aming programa para sa pansarili n’yong kapritso, e magdalawang-isip kayo.
Kumakampi kami sa tama lalo kung totoo at walang dagdag-bawas ang reklamo. Pero kung may halong kasinungalingan ang sumbong, baka imbes na ikaw ang kampihan, baka ikaw pa ang mahulog sa BITAG!
- Latest