Protection order maaring hilingin sa barangay laban sa karahasan sa kababaihan
Dear Atty.,
May lasenggo po kaming kapitbahay at minsan po ay dinig na dinig sa buong kalye namin ang pananakit niya sa kanyang asawa at mga anak. Naaawa na po kami sa lagay nilang mag-iina kaya gusto ko lang sanang malaman kung may magagawa ba kami sakaling maulit pa ang ginagawa niyang pang-aabuso sa kanyang pamilya?
--Jessy
Dear Jessy,
Sa ilalim ng Republic Act No. 9262 o Anti-Violence Against Women and their Children Act, may kapangyarihan ang mga punong barangay na mag-issue ng tinatawag na barangay protection order upang maproteksyunan ang mga kababaihan at ang kanilang mga anak mula pisikal na pang-aabuso ng kanilang asawa o karelasyon o sa pagbabanta nito. Layunin din ng barangay protection order na maprotektahan ang biktima at ang kanyang mga anak mula sa anumang uri ng harassment ng inirereklamo.
Sa ilalim ng Section 9 ng RA No. 9262, hindi lamang ang mismong biktima ng pang-aabuso ang maaring humiling ng barangay protection order. Nakasaad sa paragraph (h) ng nasabing probisyon na maari ring humiling ng barangay protection order ang dalawang concerned citizens na nakatira sa siyudad o munisipyo kung saan nangyari ang pang-aabuso.
Kaya kung sa tingin mo ay inaabuso ang kapitbahay mo ng asawa niya, maaring ikaw mismo, kasama ng isa pang residente sa inyong lugar na alam din ang nangyayaring pang-aabuso, ang humiling sa inyong barangay captain ng protection order para sa kanila. Kailangang nakasulat at sinumpaan ang hiling na ito at kailangang aksyonan ito kaagad ng punong barangay. Sakaling makita ng punong barangay na may basehan ang hiling para sa protection order, dapat maisyu niya kaagad ito sa kaparehong araw.
Sa pamamagitan ng protection order, maaring paalisin ang inirereklamo kahit sa mismo pa niyang bahay kung kasama niyang nakatira ang mga biktima ng sinasabing pang-aabuso niya. Tatagal lamang ng 15 araw ang barangay protection order kaya mainam na may maisampa kaagad na petisyon sa korte na humihiling ng mas matagal na temporary protection order o permanent protection order.
Sana’y nasagot ko ang iyong katanungan. Paalala lamang na ang payong legal na nakasaad dito ay partikular lamang sa inilahad ng sumulat at maaring hindi ito maging angkop sa ibang sitwasyon.
- Latest