Lahat ibinebenta!
Sa pagpapatuloy ng isinasagawang mga pagdinig sa Senado kaugnay sa kontrobersyang pagpapalaya ng mga bilanggo sa ilalim ng RA10592 o ang conditional expanded Good Conduct Time Allowance (GCTA) , aba’y parami nang parami ang nabubunyag.
Bukod nga sa nabistong ‘GCTA for sale’, maliban pala rito marami pang mga benepisyo ang naibebenta raw dito sa mga bilanggo na kayang magbayad.
Sa madaling salita umano eh, ‘if the prize is right’.
Kamakalawa nabisto rin na maging ang hospital referral pass ay ibinebenta na rin umano ng ilang tiwaling tauhan sa BuCor.
Mismong si Sen. Bong Go ang nagbunyag base sa natanggap nilang ulat na may ilang mga bilanggo ang namemeke ng sakit para madala sa ospital at ang masaklap nga ay doon nila naisasagawa ang kanilang mga ilegal na transaksyon partikular umano ang bentahan ng ilegal na droga.
Ipinasisiyasat na ito ng DOJ sa NBI.
Hindi lang ‘yan may iba pang benepisyo na posibleng pinagsasamantalahan at pinagkakakitaan naman ng ilang tiwaling tauhan at opisyal sa piitan.
Naku po, ganyan na ba talaga karumi ang kalakaran sa loob, aba’y dapat talagang mabusising mabuti ang ganitong mga ulat.
Papanagutin ang mga tiwali, walang iiwan.
Dapat siguro magkaroon ng regular na balasahan sa mga piitang saklaw ng BuCor mukha kasing karamihan sa mga opisyal at tauhan sa Bilibid eh tumagal na ng maraming taon dyan.
Sanay at gamay na nila ang takbo, pati ang mga preso doon na nagkakaroon ng mga anomalya.
Hindi nga ba’t masasabing ang ‘familiarization ay ugat ng corruption’.
Hindi lang marahil sa Bilibid kundi sa iba pang piitan.
Noon una bentehan ng illegal na droga, ngayon CGTA for sale, hospital arrest for sale na rin, ano pa kaya ang pwedeng ibenta rito, abangan natin baka meron pa!
- Latest