EDITORYAL - Taga-protekta ng kapaligiran
NOON pa, ipinakita na ng environmentalist na si Gina Lopez ang matinding pagmamahal sa kapaligiran at kalikasan. Bago pa siya hiranging DENR Secretary noong 2016, marami na siyang nalinis na ilog at estero at tinulungan ang mga nakatira sa pampang na ma-relocate sa Calauan, Laguna. Kahit nailipat na ang mga tao, sinundan pa rin niya at si-nigurong may pinagkukunan ng ikabubuhay.
Nang maupong Environment secretary, ipinahayag agad niya ang pagtutol sa pagmimina. Galit siya sa mga nagmimina. Ayon sa kanya, ang pagmimina ang pumapatay sa mga magsasaka at mangingisda. Walang ibang nakikinabang sa pagmimina kundi ang mga dayuhan at mayayaman.
Tinotoo niya ang pag-ayaw sa pagmimina. Umabot sa 22 mining companies ang kanyang naipasara at 12 contracts sa pagmimina ang kanyang kinansela sa panahon ng kanyang panunungkulan sa Duterte administration. Ang 22 mining companies ay napatunayang lumabag sa mga itinatakdang batas. Ang pagmimina ang dahilan ng siltation, soil erosion at dust emission.
Hindi naipagpatuloy ni Lopez ang kanyang adbokasiya na mailigtas ang kalikasan laban sa mga mapang-abusong mining companies sapagkat ni-reject siya ng Commission on Appointment (CA) noong 2017. Labing-anim na senador ang bumoto para maalis siya sa puwesto at walo ang pumanig sa kanya. May pait sa tinig ni Lopez makaraang ma-reject, sabi niya, ang interes sa negosyo ang nangibabaw.
Bukod sa paglaban sa iresponsableng mining companies, adbokasiya rin niya ang pagtatanim ng mga punong kahoy. Siya ang nagpasimuno sa reforestation ng La Mesa Watershed at sa malawakang pagtatanim ng bakawan sa Palawan.
Noong Lunes (Agosto 19, 2019), pumanaw si Lopez sa edad na 65. Ganunman, pumanaw siya na may naiwang magandang alaala sa mamamayan. Alam niya na may karapatan ang bawat Pilipino sa isang malinis at malusog na kapaligiran. Hangarin niyang mawala ang mga tumatampalasan sa mga bundok at kumakalbo sa kagubatan. Hindi malilimutan ang kanyang mga ginawa bilang taga-protekta ng kapaligiran at kalikasan.
- Latest