Shoe industry sa Marikina, umaahon na!
MALULUTAS na ang pangunahing problema ng Marikina Shoe Industry - ang skilled shoemakers. Magtatayo si Mayor Marcelino “Marcy” Teodoro ng kauna-unahang Shoe Tech School para yumabong pa ang shoe industry sa kanyang siyudad. Ayon kay Teodoro ang trainors, na hinasa pa sa ibang bansa, ay nakahanda nang magturo para lalong maging global ang market ng kanilang sapatos. Ayaw kasi ni Teodoro na mapag-iwanan ang Marikina shoe industry sa style at technology kaya kaila-ngang angkop din ang tibay at ganda ng kanilang nagagawang sapatos sa gawa sa ibang bansa. Ang P60 milyon na school building ay uumpisahan nang gawin sa darating na mga buwan sa compound mismo ng Pamantasang Lungsod ng Marikina (PLMAR) sa Concepcion Dos at sinisiguro ni Teodoro na magsisimula silang tatanggap ng estudyante sa taong 2020. Iginiit pa ni Teodoro na itong Shoe Tech School ang makapaglulutas sa problema ng kakulangan ng skilled shoemaker sa Marikina. Inamin niya na ang kakulangan ng skilled shoemaker ang dahilan kung bakit naghihingalo ang shoe industry sa siyudad niya. Araguuyyy! Tutulong naman ang Department of Trade and Industry (DTI) sa pamamagitan ng pag-provide ng mga shoemaking na kagamitan sa eskuwelahan, aniya. Idinagdag pa ni Teodoro na 10 porsiyento ng mga estudyante ng Shoe Tech School ay maaring taga-ibang lugar subalit kailangan nilang magtrabaho sa siyudad kapag nagtapos na sila para tulungang yumabong ang shoe industry. Hak hak hak! Pangmahabang solusyon sa problema itong kay Teodoro at hindi panandaliang pampapogi lang. Tumpak!
Hindi naman nagtapos sa Shoe Tech School ang iniisip ni Teodoro para isulong pa ang shoe industry ng Marikina. Sa totoo lang, nakipag-usap na si Teodoro kay Isidro Lapeña, hepe ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para ang kursong shoemaking ay magkaroon ng national certification (NC). Kaya huwag kayong magtaka mga kosa kung sa loob ng anim na buwan ay magkaroon na ang TESDA ng shoemaking accreditation. Oh di ba bongga, di ba mga kosa? Sa ganitong paraan kasi, magkakaroon nang maraming skilled shoemakers sa bansa kung saan ang magiging gawang sapatos ay maganda ang quality at fashionable pa. Araguuyyy! Hak hak hak! Sinabi ni Teodoro na ang mga shoemakers sa Marikina ay nagbuo na, imbes na magiging magkumpetensiya, para lalong yumabong ang kanilang negosyo. Tumpak!
Masaya ring inanunsiyo ni Teodoro na magkakaroon ng One Stop Shop sa Marikina kung saan idisplay dito at ibenta ang mga gawang sapatos bilang tulong ng LGU sa mga negosyante. Hinikayat ni Teodoro ang mga Pinoy na sumaglit sa One Stop Shop at siguradong nandoon ang halos lahat ng klaseng design ng sapatos na magugustuhan nila. Maaring bumili ng tig-isang pares o pangmaramihan kung saan ay makahalubilo pa nila ang mga may-ari o negosyante ng sapatos. Ang magandang balita pa, ang sapatos na gawang Marikina ay aabot ng isang taon di tulad ng ibang gawa na tatlong buwan lang ang termino nito. Kung sabagay, nararapat lang na tangkilikin nating mga Pinoy ang gawang atin na sapatos nang sa gayon makatulong tayo sa ekonomiya ng bansa. Abangan!
- Latest