Domagoso, ginagawang tolongges nina Jonathan at Tubera!
KUNG abot langit ang ngiti ng vendors sa Divisoria nang payagan silang magbukas ng puwesto noong Miyerkules, nauwi sa luha ang kanilang kasayahan dahil pinasara rin sila ng pulisya. Naging biktima lang ang vendors ng mga alipores ni idol Manila Mayor Francisco Domagoso na pitsa ang kaisipan imbes na tulungan ang amo nila na mapaangat ang pamumuhay ng Manileño. Ang tinutukoy ko mga kosa ay sina alyas Jonathan at M/Sgt. Gerry Tubera na nagpabukas ng puwesto ng mga vendors basta ibigay sa kanila ang dating kinukuhang intelihensiya ni Danny Alcoreza, ang bagman ni dating Mayor Erap Estrada. Ang siste lang, hindi yata alam nina Jonathan at Tubera ang kautusan ni Domagoso na “non-negotiable” pagdating sa vendors ang Divisoria at iba pang piling lugar sa Maynila para lumuwag ang trapiko at magamit ng taumbayan ang bangketa. Kaya mula noong Huwebes, pinaghuhuli ng mga operatiba ng Stations 2 at 11 ang mga puwesto ng vendors at ni hindi man lang sila sinilip nina Jonathan at Tubera. Araguuyyy! Madali lang namang hanapin sina Jonathan na kaklase ni Domagoso sa Tondo High, samantalang si Tubera ay dating personal bodyguard niya, ‘di ba Maj. Rosalino Ibay Jr., ang SMART chief ng City Hall Sir? Hak hak hak! Babalik at babalik talaga ang vendors.
Bago sila pinayagang makapagbukas noong Miyerkules, miniting ni Tubera sa PCP ang vendors at sinabing kukunin na rin nila ang dating payola kay Alcoreza. Ang tara kada araw sa kanila ay P50 ang maliliit na puwesto samantalang P150 naman ang mga malalaki. At ang gamit na kolektor ay sina Jovie at Mags, ayon sa mga kosa kong vendors. Sa sakop lang ng mga kosa ko sa Divisoria, aabot sa P70,000 ang intelihensiya nila at inihahatid ito ni Jovie sa condo ni alyas Dagul sa may 168 mall. Aba, P2.1 milyon din ito sa isang buwan ah. Kung bukambibig ni Jonathan si Domagoso tuwing nakikipag-usap siya sa vendors subalit nang walisin ng Station 2 at 11 sila aba ni hindi mang lang sila sinilip nito kasama si Tubera. Ang naiwang tulala ay ang vendors dahil hindi man lang sila naabisuhan na wawalisin na sila kaya hayun, nasira ang mga paninda nilang gulay. Araguuyyy! Hak hak hak! Nadagdagan pa ng lakas ng ulan dala ng bagyong Hanna kaya malaki ang lugi nila.
Subalit sa kanyang programa sa social media na Capital Report, inamin ni Domagoso na pinayagan niyang maglatag ng kanilang paninda ang mga vendors sa tabi-tabi sa kanto ng Recto-Asuncion at Recto-Juan Luna para kumita sila at may pampakain sa kani-kanilang pamilya. Kaya lang niya ipinahinto uli ang mga ito dahil burara sila at hindi mang lang marunong magsako ng kanilang basura. Nais kasi ni Domagoso na isako ng mga vendors ang kalat nila, isalansan sa isang tabi para pagdating ng 5:00 ng umaga, dadaanan na lang ng garbage truck. Pagkatapos nito, ipa-flushing pa ang lugar para mawala ang amoy at mabango na pagdating ng 6:00 para sa mga dadaan papunta sa kanilang trabaho. Subalit kung gagawing basehan ang tong collection nina Jonathan at Tubera, mukhang tumama ang pagbabando ni Domagoso na kapag bumalik ang vendors sa Divisoria tiyak nagkapayola na siya. Abangan!
- Latest