^

Punto Mo

Waiver at ang pananagutan ng eskuwelahan sa mga mag-aaral nito

DEAR ATTORNEY - Atty. Aeron Aldrich B. Halos - Pang-masa

Dear Atty.,

Naaksidente po  ang aking anak matapos sumama sa field trip ng kanilang eskuwelahan. Dahil po sa tinamo niyang mga injury, ilang linggo rin pong na-confine sa ospital ang aking anak. Sa laki po ng naging gastos namin sa ospital ay napilitan na po akong humingi ng tulong sa pamunuan ng eskuwelahan. Bagama’t hindi naman sila lubos na tumanggi sa pagbibigay ng tulong ay sinabihan nila akong kukunsulta muna sila sa kanilang abogado lalo na’t may pinirmahan akong waiver na pinapayagan kong pasalihin ang anak ko sa field trip sa kabila ng mga kapahamakang maaring mangyari.

Maari po bang tumanggi ang eskuwelahan sa kanilang pananagutan dahil sa waiver na pinirmahan ko?

Maricel

Dear Maricel,

Sa ilalim po ng Article 218 ng ating Family Code, may tinatawag na “special parental authority” ang mga paaralan sa kanilang mga mag-aaral. Ibig sabihin po ay tumatayong magulang ang eskuwelahan sa kanilang mga mag-aaral habang ang mga ito ay nasa ilalim ng kanilang pangangalaga.

Base po sa batas, hindi lamang pagtuturo ang responsibilidad ng mga eskuwelahan dahil responsibilidad din nila na masiguradong laging ligtas ang mga estudyante habang nasa poder nila ang mga ito. Dahil sa responsibilidad na ito na iniaatas ng batas, mana­nanagot ang eskuwelahan sakaling may mangyari sa bata habang ito ay nasa ilalim ng kanilang superbisyon.

Maari lamang mabawasan o lubos na makatakas ang eskuwelahan mula sa pananagutan kung mapatunayan nila na ginampanan nila ang kanilang responsibilidad na katumbas ng “proper diligence of a good father of a family” o pag-iingat ng isang mabuting ama ng pamilya at ginawa nila ang lahat ng paraan upang maiwasan ang disgrasya.

Sa isyu naman ng waiver na iyong pinirmahan, malinaw naman ang ating batas sa responsibilidad ng eskuwelahan kaya hindi sila makakatakas sa pananagutan dahil lamang sa pinirmahang waiver ng mga magulang. May waiver man o wala, sa huli ay titingnan pa rin kung nag-ingat ba ang eskuwelahan at sinigurado ba nito ang kaligtasan ng mga bata.

Nawa’y nasagot ko ang iyong katanungan. Paalala lamang na ang payong nakasaad dito ay base lamang sa impormasyong iyong inilahad kaya maaring hindi ito maging angkop kung sakaling may detalye kang hindi nabanggit.

WAIVER

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with