Maari bang magpanotaryo kahit hindi humarap sa abogado ang nakapirma sa dokumento?
Dear Atty.,
Kamakailan po ay kinailangan kong pumunta sa isang law office upang ipanotaryo ang mga dokumentong pinirmahan ng aking ina na kailangan niya para sa pagkuha ng mga benepisyo mula sa SSS at GSIS. Nais ko lamang po itanong kung kailangan po ba talagang humarap mismo ng aking ina sa abogado upang maipanotaryo ang kanyang mga dokumento? Nagulat po ako ng tanggihan akong asikasuhin ng sekretarya ng law office na pinuntahan ko dahil ayon sa kanya, kailangang mismong ang nakapirma raw sa dokumento ang haharap sa abogado kung ipanonotaryo ang mga ito. — Evelyn
Dear Evelyn,
Bagama’t naiintindihan ko ang pagkagulat mo sa naging pagtanggi ng sekretarya dahil kadalasan naman ay hindi na nire-require ang pagharap ng personal ng mga taong nakapirma sa dokumento ay tama naman po ang sinabi sa inyo ng sekretarya.
Sa ilalim po ng 2004 Rules on Notarial Practice, hindi maaring magnotaryo ng dokumento ang isang abogado kung hindi haharap sa kanya ng personal ang mga taong nakapirma sa dokumentong nais maging notaryado.
Ang dahilan po sa likod ng patakaran na ito, ayon sa Korte Suprema sa kaso ng Romeo Almario v. Atty. Dominica Llera-Agno (A.C. No. 10689, 8 January 2018), ay upang masigurado ng abogado na pirma nga ng mga signatory sa dokumento ang pirmang nakalagay doon at boluntaryo ang ginawa nilang pagpirma.
Kung hindi raw susundin ang napakasimpleng requirement na ito na pagharap ng personal sa abogado para sa pagpapanotaryo ng dokumento ay maaring mawalan daw ng tiwala ang publiko sa mga notaryadong dokumento, dagdag pa ng ating Korte Suprema.
Nawa’y nasagot ko ng lubos ng iyong katanungan. Paalala lamang na ang payong legal na nakasaad dito ay base lamang sa iyong inilahad kaya maaring hindi angkop ito kung may mga hindi ka nabanggit na detalye.
- Latest