Maari bang ipabago ang apelyido ng isang illegitimate child?
Dear Atty.,
Isa po akong illegitimate child o anak sa labas. Taong 1998 po ako ng ako ay ipanganak at simula po pagkabata ay Ricardo Cruz na po ang ginagamit kong pangalan. Napag-alaman ko na lang po kamakailan na hindi pala Cruz kundi De Guzman ang apelyidong nakalagay sa aking birth certificate. Cruz po kasi ang apelyido ng aking ama samantalang De Guzman naman po ang aking ina.
Kinikilala naman po ako ng aking ama kaya ang tanong ko po ay kung maari ko bang ipabago sa Civil Registrar ang nakasaad na apelyido sa aking birth certificate upang tumugma ito sa pangalang nakagawian ko nang gamitin?
Ricky
Dear Ricky,
Dahil kinikilala ka naman ng iyong ama ay maari mong ipabago ang iyong apelyido. Alinsunod sa Republic Act 9255 o ang tinatawag na “Revilla Law” ay kailangan mong humingi ng Affidavit of Admission of Paternity mula sa iyong ama na iyong ipipresenta sa inyong lokal na Civil Registry Office kapag hiniling mo na baguhin ang iyong apelyido. Nakasaad sa nasabing affidavit na kinikilala kang anak ng iyong ama.
Paalala lamang para sa ating ibang mga mambabasa na para sa mga menor de edad, kailangan pa ng Affidavit of Use of Father’s Surname mula sa ina o guardian ng bata bago mapalitan ang kanilang apelyido. Kahit kasi kinikilala pa ang bata ng kanyang ama ay hindi pa rin niya magagamit ang apelyido nito kung walang pahintulot ng ina o ng kanyang mga legal guardians. Maari lamang magamit ng anak ang apelyido ng kanyang ama kung gugustuhin niya pagsapit niya ng 18 years old.
Nawa’y nasagot ko ng lubos ang iyong katanungan. Ang payong ibinigay ko ay batay lamang sa impormasyong iyong inilahad kaya maaring hindi ito maging angkop kung may mga mahahalagang detalye kang nakaligtaang banggitin.
- Latest