EDITORYAL - Huwag basta magbitiw ng salita
NAGBITIW na naman ng salita si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na magpapapugot siya ng ulo kapag napatunayan daw na government sponsored ang mga nangyayaring extra-judicial killings (EJKs) sa bansa. Ayon sa baguhang senador, sa sandali raw mapatunayan na ang mga nangyayaring EJKs ay may kaugnayan sa kampanya ng pamahalaan laban sa illegal na droga, ipapuputol niya ang kanyang ulo. Ipinahayag ito ni Dela Rosa makaraang maglabas ng resolusyon ang United Nations Human Rights Council (UNHRC) na iimbestigahan ang mga nangyayaring pagpatay na may kaugnayan sa drug war ng Duterte administration.
Hindi na kailangang sabihin pa ni Dela Rosa na magpapapugot siya ng ulo kapag napatunayan na ang EJKs ay may kaugnayan sa kontrobersiyal na drug war ng gobyerno. Tama na ang sabihin niyang walang EJKs sa bansa, tapos! Huwag nang mangako pa ng kung anu-ano na parang salita ng bata. Alala-hanin niyang senador na siya. Dapat ang gawin niya ay pagsabihan ang mga pulis na maging maingat sa pagsasagawa ng drug operations at baka may nalalabag sila. Ganun lang. Hindi na kailangang magpapugot pa ng ulo.
Noong nakaraang linggo, pinutakti rin ng komento si Bato dahil sa sinabi niyang “shit happens” kaugnay sa pagkakapatay sa isang tatlong taong gulang na batang babae sa Rodriguez, Rizal noong Hunyo 29 na ginawang human shield ng amang drug suspect. Nakipagbarilan ang suspect at nang makorner, hinablot ang anak at ginawang pananggalang. Tinamaan ang bata at napatay. Napatay din ang amang suspect.
Nag-comment si Bato sa pangyayari at sinabing “shit happens”. Nangyayari raw talaga ang ganun sa police operations at hindi maiiwasan. Bumaha ang kritisismo sa sinabi ni Bato. Sa halip daw na makiramay sa pamilya ng batang napatay ng mga pulis ay kakaiba ang namutawi sa bibig ng dating PNP chief. Hindi raw ganito ang inaasahang sasabihin ng dating mataas na police official na inihalal ng taumbayan.
Nag-sorry naman si Bato. Hindi raw maganda ang dating ng kanyang sinabi. Mali umano ang pagkakagamit ng salita. Ayon pa sa dating PNP chief, nakali-mutan niyang lengguwahe pa rin ng pulis ang kanyang nagamit. Mag-iingat na raw siya sa pagsasalita.
Mataas na ang katungkulan ni Bato kaya nararapat mag-ingat sa pagsasalita. Huwag basta magbuka ng bibig sa mga sensitibong usapin.
- Latest