Nadadalas na karahasan sa eskuwelahan, tutukan
Matindi ang nangyaring pagbaril sa isang Grade 7 student sa loob mismo ng klasrum kahapon sa Calamba, Laguna.
Nasawi ang 15-anyos na biktima na unang idineklarang ‘brain dead’ sanhi ng tatlong tama ng bala sa ulo at katawan.
Suspect ang isa umanong bading na kinilala na rin at target ng operasyon ng pulisya. Pinaniniwalaang magkakilala ang biktima at ang suspect.
Kita pa sa kuha ng CCTV kung paano nabulabog at pinagharian ng takot ang mga mag-aaral nang umalingawngaw ang putok ng baril.
Hindi natin alam ang kondisyon sa paaralan ng biktima, pero ang pinupunto rito ng Responde eh, bakit nakakapasok ang mga de baril na ganito sa loob ng paaralan.
Hindi lang ito ang unang beses na may binaril o napatay sa loob mismo ng klasrum o sa loob mismo ng paaralan.
Ito ngayon ang pinangangambahan ng maraming mga magulang.
Sapat ba ang mga seguridad na ibinibigay ng mga pamunuan ng paaralan sa kanilang mga estudyante?
Dapat na masilip ang nadadalas na mga karahasan sa loob mismo ng paaralan.
Kung hindi man sa loob ng iskul, madalas na rin ang karahasan sa bisinidad nito.
Kung sobra ang higpit sa mga mag-aaral na pumapasok sa iskul, matindi rin ang pagpapatupad sa ‘no id, no entry policy’ sa mga mag-aaral, mas dapat na higpitan ang pagpasok ng hindi naman mag-aaral.
Nakakapkapan ba o nasusuri ang mga dala ng mga ito na bag.
Hindi lang sa loob kundi maging sa labas o sa bisnidad ng mga iskul, dito naman ang ating mga kapulisan ang inaasahan ng mga magulang na makapagbibigay proteksyon sa kanilang mga anak laban sa banta ng mga kriminal at iba pang kawatan.
- Latest