Kasunduan ukol sa interes sa utang, kailangang nakasulat
Dear Atty.,
Upang magkaroon ng puhunan sa aking negosyo, umutang po ako sa aking kaibigan ng P200,000 at may kasunduan ka-ming may 10 porsiyento na interes ang ipinahiram niya sa akin. Sa kasamaang palad po, hindi natuloy ang negosyo at ngayong sinisingil na po ako, hindi ko mabayaran ang aking utang lalo na kung idadagdag pa ang interes. Nagmamakaawa po ako na kung maari ay ma-negotiate ang halaga ng utang pati na ang panahon ng pagbabayad ko nito ngunit binantaan na ako ng aking kaibigan ng demanda sakaling hindi ako makabayad. Ano po ba ang maari kong gawin? — Albert
Dear Albert,
Dahil malinaw naman sa iyo ang inyong naging kasunduan ukol sa iyong inutang ay natural lang na may obligasyon kang sundin ito kaya may karapatan ang kaibigan mo na magsampa ng reklamo sa korte sakaling hindi mo mabayaran ang halagang hiniram mo.
Ang maari lang sigurong mabawas mula sa iyong utang ay ang interes na napagkasunduan n’yo. Hindi mo kasi nabanggit kung ang kasunduan n’yo ba ukol sa 10 porsiyentong interes na sinasabi mo ay nakasulat. Sa ilalim kasi ng Article 1956 ng ating Civil Code, hindi maaring maningil ng interes kung hindi naman nakasulat ang kasunduan ukol sa pagbabayad nito. Ito rin ang naging desisyon sa kaso ng De la Paz vs. L & J Development Company (G.R. No. 183360, September 8, 2014) kung saan sinabi ng Korte Suprema na dapat malinaw na nagkasundo ang nagpautang at umutang na may babayarang interest sa halagang hiniram at dapat din na nakasulat ang kasunduang ito.
Kaya kung hindi naman nakasulat ang kasunduan n’yo sa pagbabayad ng interes ay malaki ang posibilidad na hindi ito kikilalanin ng korte sakaling magkademandahan na kayo ng kaibigan mo ukol sa iyong utang.
Kung nakasulat naman ang kasunduan ay wala kang ibang magagawa kundi bayaran ang iyong pagkakautang base sa inyong napag-usapan.
Paalala lamang na ang kailangang nakasulat ay ukol lamang sa pagbabayad ng interes. Ang kasunduan ukol sa mismong utang ay hindi kailangang nakasulat upang ito ay magkabisa kaya kakailanganin mo pa rin itong bayaran kahit na hindi ka pagbayarin ng korte ng interes.
Nawa’y nasagot ko ang iyong katanungan. Paalala lamang na ang payo na aking ibinigay ay base lamang sa impormasyong iyong inilahad kaya maaring hindi maging angkop ito sakaling may mahahalagang detalye ka na hindi nabanggit.
- Latest