Sinibak dahil sa gupit!
MALIIT na pasahod, hindi pagbabayad ng mga benefits at overtime at illegal dismissal ang mga pangkaraniwang reklamo ng mga manggagawang lumalapit sa BITAG.
Hindi naman kami extension ng Labor department pero nagpapasalamat kami sa tiwala. Nagiging instrumento ang BITAG na maipaabot sa sangay ng pamahalaan ang sitwasyon ng maliliit nating kababayan.
Isang kakatwang sumbong ang na-encounter ko kamakailan lang. Isang driver ang dumating sa aming action center, sinibak daw siya dahil hindi raw natipuhan ng amo ang tabas ng kanyang buhok.
Gusgusin, hampaslupa at patay-gutom. Mga insultong binitawan umano sa kanya ng manugang ng amo niyang Associate Justice matapos makita ang kanyang gupit sa buhok.
Bukod sa pang-iinsulto, hindi pa raw ibinibigay ang huli niyang sahod. Ininsulto na nga, dinugasan pa ng amo.
Aaminin ko, natawa ako sa kanyang sumbong. Hindi dahil sa panglalait sa kanya kundi sa dahilan ng pagsibak sa kanya, tunog ‘di-makatotohanan.
Nagduda akong ang gupit niya lang ang dahilan kaya siya sinibak sa trabaho. Tinawagan ko ang manugang ng kanyang amo na inirereklamo niya.
Sa aming pag-uusap, isa-isang naglabasan ang katotohanan. Hindi naman daw dahil lang sa gupit kung bakit napagdesisyunan nilang tanggalin na ito sa trabaho.
Nag-ugat daw ang lahat noong sitahin nila ang driver habang naglilinis ng kotse dahil wala raw itong suot na pang-itaas na damit. Hindi raw nagustuhan ng driver ang pagsita at nagbantang aalis na lamang siya.
Bukod pa riyan, makailang beses na rin umanong naibangga ng driver ang kanilang kotse at madalas ay pumapasok ito nang nakainom.
Pinagbantaan din daw nito ang iba pang mga kasambahay na hahatawin ng upuan. Hirap na raw ang mga katrabaho niyang pakisamahan ang nagrereklamong driver.
Nang tanungin ko ang amo kung may balak pa siyang ibalik sa trabaho, malaking hindi ang isinagot sa akin. Babayaran na lamang daw nila ang mga natitira pang sahod ng driver.
Sa huli, binigyan ko na lamang ng pangaral na may halong biro ang driver. Ang maganda dito, matapos ang isang linggo, agad naman niyang natanggap ang huli niyang kabayaran na P27,000.
Sa mga gustong makita ang gupit na pinagmulan ng problemang ito, mapapanood ang kabuuhan ng kuwentong ito sa aming Youtube channel. BITAG OFFICIAL.
- Latest