20 makatunaw-pusong kuwento
3. Arroz caldo mula sa matandang tsismosa
NAGBABAKASYON noon sa probinsiya ang aking mga anak kasama ng aking ina. Kami lang mag-asawa ang magkasama sa bahay. Kapag nasa opisina ang aking mister ay nag-iisa ako sa bahay maghapon. Kung kailan nakaalis ang aking asawa ay saka naman sumama ang aking pakiramdam. Ilang araw na kasing sinisipon ako. Siguro iyon ang nag-trigger para sumakit ang aking mga kasu-kasuan at ulo. Naramdaman kong nag-iinit ang aking hininga at pinagpapawisan ako. Nakumpirma kong may lagnat ako pagkatapos kong itsek ang aking body temperature.
Ang sama talaga ng aking pakiramdam. Kapag ganoon ang aking sitwasyon, ang pagkaing nagtatanggal ng masama kong pakiramdam ay mainit na arroz caldo. Kumpleto naman ako sa sangkap pero hindi ko kayang magluto. Nanghihina ako at medyo nahihilo kaya nagpasya akong uminom ng gamot. Nakatulog akong bitbit ang kasabikan sa mainit na arroz caldo.
Ilang minuto lang akong nagigising nang may tumawag sa akin mula sa gate. Sumilip ako sa labas. Ang matandang babae na kapitbahay pala namin. May bitbit itong bowl na may pagkaing umuusok-usok.
“Nagluto ako ng arroz caldo. Birthday ko kasi. Lagi na lang pancit ang aking ipinamimigay noong nakaraang taon. Gusto kong maiba ngayon kaya arroz caldo ang niluto ko.”
Halos lumundag ako sa tuwa. Nagpasalamat ako at binati ko ang matanda ng Happy Birthday. Iyon na yata ang pinakamasarap na arroz caldo na natikman ko sa buong buhay ko. Hindi naging hadlang ang paminsan-minsang pagtulo ng aking sipon sa sunud-sunod kong pagsubo.
Kinabukasan, ikinuwento sa matanda na nilalagnat ako noong bigyan niya ako ng arroz caldo at iyon talaga ang kinasabikan kong kainin nang araw na iyon. Napatawa ang matanda. Sabi sa akin: Ikaw din naman, may ginawang kabutihan sa akin noon. Alam mo ba noong nakaraang Pasko, hamon ang isa sa pinapangarap kong ihanda sa aming noche buena pero naubos ang pera ko sa aking gamot kaya hindi ako nakabili. Pero niregaluhan mo ako ng hamon kaya tuwang-tuwa ako”.
Kahit nakakainis ang matanda paminsan-minsan dahil sa pagiging tsismosa nito, napansin kong palabigay ito ng pagkain sa akin. Kaya minsan ay kinakalimutan ko ang negative traits niya at ang iniisip ko na lang ay kabutihan niya sa akin.
- Latest