Ex-SPO4 Tamayo, ayaw bayaran ng insurance!
DAPAT pagtuunan din ni President Digong ng pansin ang mga insurance firms na ayaw magbayad ng insurance claim ng kanilang mga kliyente. Kung hinabol ni Digong ang mga opisyales ng PhilHealth, WellMed dialysis, at Kapa ministry dahil sa mga katiwalian, dapat ding bigyan niya ng attention ang mga tiwaling insurance firms.
At puwedeng gawing basehan ni Digong ang kaso ni Ex-SPO4 Enrico B. Tamayo na mahigit 12 taon nang nag-mature ang insurance policy niya subalit hanggang sa ngayon ay hindi pa siya nababayaran ng Primanila Plans Inc., na may opisina sa 20th Floor PS Bank Tower sa Sen. Gil Puyat Ave., sa Makati City.
Tiyak hindi lang si Tamayo ang nabiktima ng Primanila, at si Digong lang ang makakatulong sa kanila. Kasi nga kahit ang mga ahensiya ng gobyerno ay nagturu-turuan at hindi kumikilos para tulungan si Tamayo. Araguuyyy! Pera na naging bato pa? Hak hak hak! Sampolan din ni Digong ang mga tiwaling insurance firm para makinabang ang mga kliyente nila. Tumpak!
Si Tamayo at ang kanyang pamilya ay naninirahan sa Alimodian, Iloilo kaya’t sa tuwing tutulak siya papuntang Metro Manila para i-follow-up ang kanyang claim sa Primanila ay gumagastos siya. Kaya sa mahigit 10 taon na paglalakad niya para makasingil sa Primanila, aba umabot na sa P30,000 ang kanyang ginastos at baka lumampas pa ito sa P100,000 na dapat masingil niya. Araguuyyyy! Hak hak hak! Saan ang hustisya riyan?
Nagretiro si Tamayo bilang miyembro ng Highway Patrol Group (HPG) Region 6 sa Camp Delgado, Iloilo City noong Hunyo 30, 2006. Hinimok siya ni ret. Maj. Manuel Suarez, na dating adjutant ng Philippine Constabulary sa Camp Crame na kumuha ng insurance policy sa Primanila at tumalima naman siya dahil makakatulong ito sa kanyang pamilya. Subalit nang mag-mature na ang insurance nIya noong 2006, aba nalungkot si Tamayo dahil hindi sIya binayaran ng Primanila. Araguuyyy! Hak hak hak! Nalansi si Tamayo.
Noong Hunyo 10, 2013, lumapit si Tamayo at humingi ng tulong sa Presidential Assistance Action Center para makasingil sa Primanila. Sumulat naman si Bobby Dumlao, ang director ng PAAC kay Atty. Joseph Osias, chief ng public assistance and information division ng Insurance Commission sa U.N. Ave., sa Manila para sa kanyang claim.
Noong Hulyo 15, 2014 ni-refer naman ni Atty. John Apatan, chief ng Insurance Commission si Tamayo kay Atty. Milagros Isabel Cristobal, company liquidator na may opisina sa Calumpang, Marikina City. Lumipat ng opisina si Cristobal sa Kamias Road sa Quezon at sinulatan sIya at tinawagan ni Tamayo kung saan hiningi na muli ang dokumento na ipinadala naman nIya sa LBC. SInabihan ni Cristobal si Tamayo na tumawag na muli at alamin kung OK na ang kanyang claim subalit sa kasamaanG palad, hindi na n’ya makontak ito.
Humingi na Rin ng tulong si Tamayo sa Securities and Exchange Commission subalit wa epek pa rin ito. Sumulat na din si Tamayo sa liderato ng Philippine National Police (PNP) kaya lang wala pa ring aksiyon sa hinihingi niyang tulong. Araguuyyy! Hak hak hak! Masalimuot at nakakahilo ang pinasok ni Tamayo, di ba mga kosa? Si PNP chief Gen. Oscar Albayalde kaya, may magawang paraan para makasingil si Tamayo? Abangan!
- Latest