Negosyanteng Bahraini, lumapit sa Pambansang Sumbungan
HINDI na bago sa BITAG Pambansang Sumbungan ang makatanggap ng mga isyung ang sangkot ay ang isang Pilipino laban sa dayuhan.
Kadalasan, ang nakakaranas ng pagmamalupit ay ang ating mga kababayan kaya tumutungo sa aming tanggapan at inirereklamo ang dayuhang umagrabyado sa kanila.
Ngunit sa kaso ng isang Bahraini na lumapit sa amin, ang kasosyo niya na isang Pilipino raw ang nanggantso sa kanya at inisahan siya sa kanilang Chicken Inasal business. Malaki ang pagsisisi nito nang ipagkatiwala ang kanyang pera sa kaibigan nilang Pinoy.
Mahigit anim na buwan simula noong nagbukas ang kanilang restaurant ngunit reklamo ng dayuhan, ni singkong duling ay wala siyang natanggap at tila nabalewala ang pinuhunan niyang milyong-milyong salapi.
Gusto na lamang maibalik ng dayuhan ang pinuhunan niyang pera at nangako naman ang Pinoy na babayaran na lamang siya. Pero ang siste, parang pinapaasa lang ng kolokoy na Pinoy ang kasosyo niya dahil wala pa rin itong inaabot.
Minabuti kong tawagan at hingin ang panig ng inirereklamo nating kababayan para sa patas na paghatol sa kasong ito. Pinayuhan ko na lamang siya na bayaran ang dayuhan upang hindi na rin humantong sa mas malala pang pangyayari kung hindi siya susunod sa usapan.
Patunay lang ito na kami sa BITAG, walang pinapanigan. Kahit ano pang lahi mo, basta ikaw ang nasa tama, tutulong kami sayo. Hindi porke’t kababayan kita e sayo na agad ang simpatya ko. Kailan man hindi kami papanig sa mali.
Wala namang masama sa pagnenegosyo at paghahangad makaangat sa buhay. Ngunit kung sap ag-angat mo ay may natatapakan ka namang ibang tao, hindi naman na yata tama ‘yan!
Kaya ang payo ko sa mga pinoy diyan na walang ginawa kundi ang manloko ng ibang tao. Wag nang hintaying kami pa ang luminis sa mga kalat n’yo.
Hindi lang sariling pagkatao niyo ang nasisira rito. Pati magandang imahe ng mga Pilipino, sinirira ninyo!
Mapapanood ang kabuuan ng episode na ito sa aming Youtube channel, BITAG OFFICIAL pati na rin sa aming website na www.bitagmedia.com.
Abangan ang Part 2 ng istoryang ito kung saan dumating sa BITAG Action Center ang Pinoy na nagrereklamo. Antabayanan n’yo kung ano ang ginawa ng BITAG!
- Latest