Ang pulpol na inspector ng DLTB
ANG taong ayaw tumanggap ng pagkakamali at pinagtatak-pan pa ang kasalanang ginawa ay isang pulpol. Abot-langit ang gagamitin niyang rason, makalusot lang sa kapalpakang ginawa.
Mas ginaganahan ang BITAG sa mga ganitong klaseng respondent o ‘yung mga inirereklamo. Mapapahiya ang sinumang susubok na paikutin kami sa kanilang mga kabuktutan.
Katulad nitong epal na, pulpol pang inspector ng DLTB Co. Hindi ko alam kung likas ang pagiging sinungaling, gustong magpakitang gilas o talagang nakatuwad lang ang kukote sa kanyang mga dahilan.
Puwes, this is your moment Totoy, sisikat ka sa kagunggungan at katangahan mo. Pati tuloy ang kompanya n’yo, nilunod mo sa kahihiyan dahil sa iyong pagpapakitang-gilas.
Matatandaang may mag-asawang lumapit sa BITAG Action Center na inirereklamo ang DLTB dahil sa bagahe nilang nawala sa compartment ng bus.
Ang DLTB, pina-review ang putol na CCTV video ng kanilang terminal. ‘Yung parte lamang na iba ang kumuha ng bagahe ng mga nagrereklamo ang pinakita.
Dahil hindi sumagot sa telepono ang pamunuan ng DLTB, binisita namin ang kanilang terminal sa Pasay. Ang terminal manager mismo ng DLTB ang nagsabi, may mali at pagkukulang ang konduktor ng bus kung saan nawala ang bagahe.
Pagdating sa inyong opisina, maayos na sana ang pakikipag-usap ng inyong HR staff. Sumablay nang umepal ang magiting na inspektor.
Katwiran ng pulpol na inspektor, baka raw pagod ang konduktor kaya nawala sa isip ang responsibilidad sa mga bagahe. Jusmiyo! Napakabaluktot na pangangatwiran!
Sa gitna ng usapan, ‘yung kumag na inspektor pa ang may ganang magtaas ng boses. Pero nang makitang pumalag ‘yung BITAG striker namin, biglang nabahag ang buntot. Umatras!
Dahil hulog na sa BITAG ang kanyang kahunghangan, ang camera naman namin ang pinagdiskitahan ng hinayupak. Kung ako lang nandoon, pagbibigyan ko ang kahilingan mong patayan ka ng camera.
Kayo d’yan sa DLTB, hihintayin namin ang resulta ng dalawang linggo n’yong imbestigasyon. Pinapaalala ko lang na nakatutok ang BITAG sa kasong ito.
Kami dito sa Pambansang Sumbungan, hindi puwedeng palampasin ang mga reklamo ng kapabayaan at pagwawalambahala.
Uploaded na sa @BitagOfficial YouTube channel ang segment na ito na may pamagat na “Pulpol na inspektor, umepal sa BITAG!”
- Latest