Kidnapping ng apo, motibo sa panloloob sa bahay ni Rep. Sarmiento?
MALAKAS ang paniwala ng magkapatid na Cesar at Jorge Sarmiento na hindi harrassment ang ginawa ng limang armadong lalaki na pumasok sa bahay ng una sa Catanduanes noong Sabado kundi para kidnapin ang apo nito para puwersahin silang umatras sa laban sa pulitika.
Si Cesar Sarmiento mga kosa ay 3rd termer na congressman ng Catanduanes at tatakbong gobernador laban sa incumbent na si Gov. Joseph Cua. Si Cesar ang chairman ng PDP-Laban sa Catanduanes, ay papalitan naman ng kapatid na si Jorge, na dating presidente ng Postal Office at Pagcor at undersecretary ng Department of Information and Communication Technology (DICT). Huh!
Ang bigat naman ng kuwalipikasyon ni Jorge, ano mga kosa? Bagay siya sa Kongreso. Naniniwala ang Sarmiento brothers na mas malalim sa harrassment ang motibo ng limang kalalakihan at hinikayat nila ang Catanduanes PNP na laliman ang kanilang imbestigasyon sa kaso at lalabas na foiled kidnapping ito. Ang pakay talaga ng mga armadong kalalakihan, ayon kay Cesar ay kidnapin ang kanyang apo para iurong nila ang pagtakbo sa May 13 elections. Araguuyyy! Hak hak hak! Kanya-kanyang gimik lang ‘yan, ‘di ba mga kosa?
Si Jorge Sarmiento mga kosa ay tatakbong congressman at ang kalaban niya ay sina dating Gov. Araceli Wong, Joseph Santiago at Hector Sanchez. Habang nangangampanya ang magkapatid na Sarmiento, pinasok ng limang armadong kalalakihan na naka-bonnet ang bahay ni Cesar sa Bgy. Ibong, Sapa, Virac noong Sabado at ipinosas sina Rey Vargas, 71; John Tabios, 31, at Antonio Barba, 60, isang tricycle driver.
Tumuloy ang grupo sa receiving area, minaso ang padlock at dumiretso sa master’s bedroom kung saan nandun ang apo ni Cesar at si Joseph Calleja, isang negosyante. Mabuti na lang at nakapagtago si Calleja at apo ni Cesar bago mabuksan ang kuwarto. Binuksan din ng mga suspect ang iba pang kuwarto, subalit nabigo sila sa isang kuwarto kung saan nandun ang asawa ni Cesar na si Estela Marie at ang anak na si Sharita.
Sa takot na baka makapagresponde na ang pulisya, tumakas ang mga suspects patungong Virac sakay sa isang maroon na SUV. Araguuyyyy! Buti na lang at di nadale ang apo ni Cesar, kung nagkataon, goodbye na lang sa political career ng mga Sarmiento, di ba mga kosa? Hak hak hak! Sino pa ba ang may lakas ng loob na gagawin ito sa mga Sarmiento kundi ang mga kalaban nila sa pulitika, di ba mga kosa?
Sa unang report naman ni Col. Paul Abay, provincial director ng Catanduanes, political harrassment lang ang kaso. Dapat laliman pa ni Abay ang kanyang imbestigasyon para lumiwanag ang motibo sa kaso at maiwasan ang kaguluhan sa kanyang probinsiya sa May 13, di ba mga kosa? Ayon kay PNP chief Gen. Oscar Albayalde bumaba na ang mga election-related incident para sa May election at baka mapabilang pa sa areas of concern ng Comelec ang Catanduanes kapag hindi tama ang kilos ni Abay, di ba mga kosa? Abangan!
- Latest