Babae sa Egypt, 43 years na nagpanggap na lalaki para magkatrabaho at may maisustento sa anak
ISANG babae sa Egypt ang nagpanggap na lalaki, sa 43 taon niyang pagpapanggap na lalaki para makapaghanapbuhay alang-alang sa anak.
Dalawampu’t isang taong gulang lamang si Sisa Abu Daooh nang siya ay mabiyuda. Napilitan siyang magtrabaho dahil wala na siyang ibang maasahan noon at kailangan niyang buhayin ang anak.
Napilitan siyang magpanggap na lalaki dahil sa konserbatibong kultura sa Egypt na hindi maganda ang pagtingin sa mga babaing naghahanapbuhay. Kaya naman nagsuot siya ng jilbab na isang uri ng kasuotan na maluwag at mahaba upang hindi mahalata ang kanyang pagiging babae. Bukod dito, nagsuot din siya ng turban at itim na sapatos upang makumpleto ang kanyang pagpapanggap.
Ito ang naging kasuutan ni Sisa sa loob ng 43 taon niyang pagtratrabaho bilang isang laborer sa mga construction site. Binuhay niyang mag-isa ang kanyang anak. Itinaguyod niya ito at hindi siya sumusuko kahit mahirap ang buhay.
Hanggang sa makapag-asawa ang kanyang anak at sa kanya pa rin ito nakatira. Sa kasamaang palad, nagkasakit ang kanyang manugang at nawalan ng trabaho. Sa kasalukuyan, siya ang bumubuhay sa anak, manugang at mga apo.
Kuntento naman si Sisa sa kanyang trabaho dahil para sa kanya, mas mabuti na ang mabigat na trabaho sa construction kaysa magpalimos sa kalye.
Kinilala naman si Sisa ng isang grupo sa Egypt dahil sa mga sakripisyong ginawa para buhayin ang kanyang mga mahal sa buhay.
- Latest