Kalsadang gawa sa leather
ISANG araw, naisipan ng hari na bisitahin ang mga lugar na nasasakupan ng kanyang kaharian. Matapos ang ilang araw ay nagyaya na ang hari na bumalik sa palasyo kahit hindi pa niya nabibisita ang ibang lugar. Sumakit kasi ang kanyang paa at sa malas ay nagkakalyo pa.
May mangila-ngilang lugar na mabato at baku-bako ang kalye. Magkakalasug-lasog lamang ang gulong ng sasakyan kung ipagpipilitan itong padaanin. Sa halip na ipagpilitan ang sasakyan sa mabatong daan ay ipinasya na lang ng hari na maglakad. Ito ang dahilan kung bakit sumakit ang kanyang paa.
Pagdating sa palasyo, agad nagpatawag ng meeting ang hari sa mga pinuno ng iba’t ibang committee.
“Gusto kong lagyan ng leather ang lahat ng daan para pagbisita ko sa aking nasasakupan ay hindi na masasaktan ang aking paa.”
Kung susundin ang gustong mangyari ng hari ay maraming baka ang kailangang patayin para may makuhanan ng leather. Malaking halaga ang gugugulin para malagyan ng leather ang buong kaharian. Ngunit ang mga bagay na ito ay nanatiling nasa isip lamang ng mga pinuno ng committee. Ayaw nilang “barilin” ang ideya ng hari at baka sila naman ang tunay na mabaril. Kilala pa naman sa pagiging mainitin ang ulo nito.
Magkaganoon pa man ay may isang matapang na nagsalita. “Mahal na hari, bakit kailangan pang gumastos nang malaking pera para lamang huwag masaktan ang iyong paa kapag naglalakad sa kalye? Bakit hindi ka na lang kumuha ng kapirasong leather para gawin itong sapatos mo na isusuot kapag maglalakad ka sa kalye?”
Nasorpresa ang hari at parang naantipatikuhan sa nagsalita. Pero matapos pag-isipan ang suggestion ay pumayag na rin siya. Magpapagawa na lang siya ng sapatos na malambot na gagamitin tuwing maglalakad siya sa kalye.
Naisip ng hari sa bandang huli: Upang maging masaya ang iyong buhay, ang dapat baguhin ay ang sarili — attitude at nilalaman ng puso — hindi ang buong mundo.
- Latest