Facebook, maaaring mangwasak ng mukha
UMAABOT sa 47 milyong Pilipino ang gumagamit ng Face-book (FB), ang pinakapopular na social network sa buong mundo. Naimbento noong 2004 ng Harvard student na si Mark Zuckerberg, ang FB ay may 2.23 bilyong active users sa buong mundo. Ang Pilipinas ang may hawak ng rekord na “The social media capital of the world.”
Bilang isang social networking website, ang mga gumagamit ng FB ay puwedeng mag-post ng comments at links sa mga balita at iba pang interesting contents, mag-share ng litrato, mag-chat ng live at manood ng maiikling video. Talaga namang ang FB ay napaka-powerful na social media platform na nag-uugnay-ugnay sa mga tao kahit na hindi dating magkakakilala na kung tawagin ay “FB Friends.” Pinababaw ng FB ang kahulugan ng “friends.” Ako’y may 5,000 FB friends, pero iilan lang dito ang talagang kakilala at kaibigan ko.
Maging ang pagiging madasalin nating mga Pilipino ay naimpluwensyahan ng FB. Dati, bago kumain, ang ginagawa ng marami ay ipagdasal muna ang pagkain. Ngayon, bago kumain, ang ginagawa ng marami ay kunan muna ng litrato ang pagkain para i-post sa FB.
Facebook, aklat ng mukha. ‘Yan mismo ang FB. Nabigyan tayo nito ng oportunidad na i-post ang ating litrato para makita ng mga tao. Kaya klik na klik sa atin ang FB dahil napakahilig natin sa litrato. Ang napansin ko lang, mas madalas ay bata at maganda ang litrato sa FB, kaysa sa natural.
Napakadali ring magamit ang FB para wasakin ang “mukha” ng iba. Sa madaling salita, para sirain ang “pagkatao” ng iba. Ang reputasyong iningatan ng isang tao sa maraming mga taon ay kayang ibagsak sa isang iglap ng mga mapanirang posts sa FB. Kamakailan, 200 FB accounts ang tinanggal dahil napatunayang mga “bogus accounts” na ginagamit upang sirain ang mga kalaban sa pulitika. Ilan kayang tiwaling pulitiko ang nanalo sa halalan dahil sa mahusay na paggamit ng social media na tulad ng FB?
Napakadelikado rin ng social media na tulad ng FB sa mga bata at kabataan. Kabilang sa mga panganib na hinaharap ng mga ito ang pagkawala ng kanilang privacy, pagiging biktima ng cyberbullying, pagtanggap ng mga ‘di-kanais-nais na nilalaman ng mga posts, at pagkakilala sa mga taong may masamang hangarin. Kay rami nang napariwarang kabataan dahil sa social media!
Kailangan nating lubos na magpakatalino sa panahong ito na ang impormasyon ay nasa dulo lamang ng ating daliri, wika nga. Sa panahong ito na napakadaling gawing mukhang totoo ang isang kasinungalingan.
Si Hesus ay may ganitong tagubilin na nasulat sa Mateo 10:16, “Ngayon, sinusugo ko kayong tulad ng mga tupa sa gitna ng mga asong-gubat, kaya’t maging matalino kayong gaya ng mga ahas at maamong gaya ng mga kalapati.”
Sa ating panahon ngayon na nagkalat ang mga asong-gubat, kailangan natin ang talino ng isang ahas upang hindi mapaglalangan ng mga mapagsamantala. May malaking takot at respeto ang tao sa ahas. Ang ahas ay isang nilikhang hindi basta babale-walain ng tao.
Dapat ay mabaliktad na ang sitwasyon: Sa halip na ang mabubuting tao ang matakot sa masasama, dapat ang masasama ang matakot sa mabubuti. Sa halip na tumutupi ang katotohanan sa kasinungalingan, dapat ang kasinungalingan ang tumutupi sa katotohanan. Mangyayari lamang ito kung tayo’y magpapakatalino tulad ng mga ahas, ngunit mananatiling maamo gaya ng mga kalapati.
- Latest