5 manloloko at sinungaling
NARITO ang limang manloloko at sinungaling na binanggit sa Matandang Tipan ng Bibliya:
Laban ( Genesis 29). Para mapakasalan si Raquel, nagtrabaho si Jacob sa kanyang magiging biyenan, kay Laban, nang walang bayad sa loob ng pitong taon. Ngunit niloko siya ni Laban. Sa halip na si Raquel ang ipasiping sa kanya isang gabi ay ang nakatatanda nitong kapatid na si Lea ang pinapasok sa silid ni Jacob. Kinaumagahan, saka lang nalaman ni Jacob na hindi si Raquel ang kanyang nakasiping. Upang matuloy lamang ang pagpapakasal kay Raquel, muling naglingkod ng panibagong pitong taon si Jacob kay Laban.
Asawa ni Potifar. (Genesis 39). Naglingkod si Joseph sa bahay ni Potifar pero nagkagusto sa kanya ang misis nito. Nang tumanggi si Joseph sa makamundong pagnanasa ng babae, ito’y nag-imbento ng kuwento na siya’y pinagtangkaang halayin. Naniwala si Potifar at ipinakulong niya si Joseph.
Aaron (Exodus 32). Habang si Moses ay abala sa bundok, naiwan ang mga Israelita sa pangangalaga ni Aaron, kapatid ni Moses. Na-insecure ang mga tao sa pagkawala ni Moses kaya inutusan nila si Aaron na bigyan sila ng diyos na sasambahin habang wala si Moses. Iginawa ni Aaron ang mga tao ng gintong baka para sambahin. Nang bumalik si Moses, nagsinungaling si Aaron at sinabing basta na lang daw lumutang ang gintong baka.
Matandang Propeta (1 Hari 13). May mahalagang instruction ang Diyos sa nakababatang Propeta ngunit dahil sa pagsisinungaling ng matandang propeta, sinuway ng bata ang instruction ng Diyos. Ito ang naging dahilan ng malagim na kamatayan ng nakababatang propeta.
Gehazi (2 Hari 5). Pinagaling ni Elisha ang ketong ni Naaman. Tumanggi si Elisha sa regalong ibinibigay ni Naaman. Lingid sa kaalaman ni Elisha, lihim na hiningi ng kanyang utusang si Gehazi ang regalong tinanggihan niya. Nagkunwa ito kay Naaman na nagbago ang isip ng kanyang amo at ipinakukuhang muli ang regalo. Nabuking ni Elisha ang kalokohan ni Gehazi kaya’t ang ketong ni Naaman ay sa kanyang katawan lumipat.
- Latest