Sigang agency, ‘di umubra sa tropa ng BITAG
SERYOSO kami ‘pag usapang public service. Brusko pagdating sa mga dorobo, sinungaling, siraulo’t mga manggagantso.
Hindi kami marunong mangialam. Bagkus, marunong kaming ipagtanggol ang mga inapi, inabuso’t mga nilokong mga manggagawa.
Pinaka-ayaw ko ‘yung mga inirereklamong sila pa malakas ang loob magreklamo. Tulad nitong Axelerate Manpower Agency Inc.
Inirereklamo sila ng kanilang dating empleyado dahil hindi pa rin niya nakukuha ang kanyang final pay, 13th month pay, at incentives sa kolokoy na agency.
Limang buwan nang pinapaasa’t pinaiikut-ikot na makukuha na ang kanyang pera. Puro follow-up, wala namang nangyayari.
Palusot nitong kumag na agency, hindi naman daw nagtatagal ang pag-release ng pera. Hindi lang daw makapag-antay ang nagrereklamo.
Pinuntahan ng BITAG Kilos Pronto Strike Force Team ang tanggapan ng inirereklamong agency para hingin ang kanilang pahayag. Nagsisiga-sigaan pa e, halos maipot naman sa mga salawal nang komprontahin ng aming grupo.
Kinukuwestiyon kung bakit kailangang magdala ng pulis, barangay, at tauhan ng city hall nang puntahan ang kanilang opisina.
Kundi ba naman siraulo’t nakatuwad ang mga kokote. Kuwestyunin niyo lelong niyong panot! Sarap pagtatadyakan sa lalamunan ng mga kolokoy na ‘to.
Syempre may kalokohan kayong mga putok sa buho kayo. Di kayo gumagawa ng tama kaya humihingi ng saklolo sa amin ‘yung empleyado n’yo.
Andami niyo pang pautot, ‘di naman kayo nakapalag at binigay niyo rin ang hinihinging final pay ng nagrereklamo na nagkakahalagang P18,624.
Tandaan, wala pa ako diyan ah. Itong mga sinasanay kong investigators ng BITAG pa lang ang humarap sa inyo. How much more kung ako na mismo ang kumumpronta sa inyo?
Kung brusko’t bastos kami, ‘yun ay dahil mga walanghiya kayo. Kaya naming itabla ‘yung mga taong mapang-api’t mapang-abuso.
Kaya kayo d’yan mga boss, kung may reklamo sa pang-aabuso, pang-aapi, panlalabis, pambubugbog, panloloko, o mga bagay na medyo mahirap nang aksyunan sa ibang public service program, ipa-BITAG n’yo rito sa nag-iisang pambansang sumbungan.
- Latest