Kung wish mong tumagal sa mundo…
MAY ginawang pag-aaral si Sonja Lyubomisky isang propesor sa University of California: Nakakahaba raw ng buhay ang paggawa ng kabutihan sa kapwa. Sa ginawang pag-aaral, ang mga kasali sa experiment ay nagsagawa ng kabutihan sa loob ng 10 linggo. Ang resulta: Mas mataas ang level ng kaligayahang naranasan ng mga nagsagawa ng iba’t ibang klaseng kabutihan kaysa nagsagawa ng isa lang na klase ng kabutihan. Nakakaligaya ang paggawa ng kabutihan sa kapwa. Ang kaligayahang ito ang tumutulong upang makalimutan ng isang tao ang negatibong emosyon na perwisyo sa kalusugan ng tao.
Si Stephen Post, ang awtor ng librong Why Good Things Happen To Good People, ay nagsagawa rin ng pag-aaral tungkol sa kabutihan ng tao at relasyon nito sa kanyang kalusugan. Napag-alaman niyang mas mababa ang kaso ng depresyon sa mga taong matulungin sa kapwa. Mas maganda rin ang kondisyon ng kanilang mental health at bihira silang lagnatin dahil mataas ang immune system ng taong mabait.
Noon namang 2005 ay nagsagawa ng pag-aaral ang Hebrew University sa Israel, kung ano ang koneksiyon ng act of kindness sa dopamine, isang sustansiya na inilalabas ng ating utak.
Hindi maipagkakaila na tayo’y naliligayahan kapag nakagawa ng kabutihan sa ating kapwa. Pagkatapos makagawa ng kabutihan, may nadaramang kakaibang physical sensation ang isang tao. Ito ang signal na nilalabasan na siya ng dopamine mula sa kanyang utak. Dahil sa dopamine, ang tao’y nagiging energetic, warm, kalmado at tumataas ang kanyang pagpapahalaga sa sarili.
Ang positive feeling na ito ang nagiging dahilan para lumakas ang resistensiya ng katawan laban sa sakit. Kung walang sakit, natural na mas malaki ang posibilidad na humaba ang buhay. Kaya kalokohan lang ‘yung kasabihang kinukuha kaagad ni Lord ang mababait na tao.
- Latest