Itlog: Masama o mabuti?
DITO sa atin, isa sa pinakamura at pinakamadaling lutuin ang itlog na puwedeng iulam sa kanin, meryenda, almusal at hapunan. Naipalalaman din ito sa tinapay. Napakasarap nito kung lalagyan ng ketchup ang prito o scrambled egg. Isinasahog ito sa mga ulam tulad sa sarsiyado, ginisang amplaya, pritong talong, mga putaheng karne, at kasamang sangkap sa mga panghimagas o meryenda gaya ng leche flan, pansit palabok, lomi o noodles at iba pa. Kaya nga sinasabing mainam na laging may itlog sa bahay dahil sa maraming bagay na puwedeng gawin dito. Kung nagmamadali ka, sobrang pagod na at wala nang oras mamalengke o magluto, kuha ka na lang ng itlog sa refrigerator at ilaga ito o iprito at wala pang limang minuto ay may instant ulam ka na. Kapag nga ang isang pirasong malaking itlog ay scambled ang pagkakaluto, puwede na itong iulam ng dalawa o tatlong tao.
May mga usapin nga lang hinggil sa itlog na matagal nang pinagdedebatehan tulad ng epekto nito sa kalusugan ng tao. Partikular ang sinasabing, bagaman magandang pagkunan ng protina ang itlog at pampalakas ito ng katawan, napakataas naman ng cholesterol na taglay nito lalo na iyong pula nito o egg yolk na nakakapagdulot ng ilang sakit. Ilang health expert ang nagmumungkahing isang itlog lang ang dapat kainin sa isang araw. May mga tao naman na puti lang ng itlog ang kinakain.
May isang linggo na ang nakararaan, nadagdag pa sa debate hinggil sa bentahe at disbentahe ng itlog ang isang bagong pag-aaral na nalathala umano sa Journal of American Medical Association. Ipinahiwatig dito na ang pagkain ng itlog ay nagdadagdag ng peligro sa atake sa puso o stroke bagaman hindi naman umano nilinaw ang mga kaugnayan nito. Pero sinasabi rito na ang pagkain ng ekstra pang kalahating itlog kada araw ay nagpapalaki ng tsansa sa cardiovascular disease (6%) at premature death (8%).
Pero, ayon naman kay Tom Sanders, professor of dietetics ng King’s College of London, ang resulta ng naturang pag-aaral ay iba sa isa pang mas malaking pag-aaral sa United States noong 1999 na nagsasaad na walang epekto. Ipinalalagay din ni Sanders na mahalaga lang ang naturang resulta sa US dahil mas maraming kinakaing itlog at karne ang mga tao roon kaysa sa mga nasa Europe.
Sinabi pa ni Sanders na mainam na kumain ng itlog nang katamtaman – tatlo o apat kada linggo -- na inirerekomenda sa UK dietary guidelines.
Sa France, pinabubulaanan ng national nutrition guidelines ang idea na hindi dapat kumain ng mahigit dalawang itlog kada linggo. Maaari umanong kumain nito nang regular. Ilang health expert naman ang nagmumungkahing mas makabubuting kainin ang itlog na inilaga kaysa sa iprinito. Mas lalo kasing tumataas ang cholesterol sa pritong itlog dahil sa ginamit ditong mantika. Pero, sabi naman ng iba, moderation ang susi rito. Masama ang sobra o kulang. Kumain lang ng katamtamang itlog.
(Anumang reaksyon sa kolum na ito ay e-email sa [email protected])
- Latest