Tawa
ANG paghalakhak ay mabuti sa ating kalusugan. Ayon sa mga mananaliksik, ang katumbas ng 100 halakhak sa isang buong araw ay 10 minutong workout gamit ang rowing machine o 15 minutong pag-eehersisyo gamit ang exercise bike.
Ang kabutihan ng pagtawa ay nabanggit din sa Bibliya, sa Proverbs 17:22—“Ang pagkamasayahin ay mabuti sa katawan; ang malungkuti’y unti-unting mamamatay”.
Bukod sa kabutihang naidudulot sa katawan, ang pagtawa ay magandang impluwensiya sa pakikipagrelasyon sa kapwa. Kapag sama-samang nagtatawanan ang mga tao, nagiging komportable sila sa isa’t isa dahil tumataas ang kanilang “comfort level”. Subukan mong makitawa sa grupo kahit bago ka pa lang nilang kakilala, di ba’t pagkatapos ng tawanan ay parang feel at home ka na sa kanila?
Nagtawa sina Abraham at Sarah nang ibalita sa kanila ng Diyos na sila’y magkakaanak. Ang tanda-tanda na nilang dalawa kaya napatawa sila. Nang isinilang ang kanilang anak ay nagwika si Sarah: “Nakakatawa ang ginawang ito sa akin ng Diyos at sinumang makakaalam nito ay pihong matatawa rin.” (Genesis 21:6). Pinangalanan nila ang bata ng Isaac na ang ibig sabihin ay “Nagtatawa”.
Sinabi ni Hesus, “Mapalad kayong mga tumatangis ngayon, sapagkat kayo’y magagalak” (Luke 6:21), dahil ang pangako ng kalangitan ay walang hanggang kasiyahan at tawanan.
- Latest