Rebolusyon ng pag-iisip: Sagot sa kultura ng katiwalian
ISANG kaibigan na dating project engineer sa DPWH ang nagsabi sa akin na kung ang bilyun-bilyong pondong inilaan sa pagtatayo ng mga kalsada ay talagang ginastos sa mga pagawaing ito, makakapantay ng mga gusali sa Makati ang ating mga kalsada!
Mukhang exaggeration lang, pero tila yata totoo. Kasi, napakalaki ng ginagastos natin sa mga pagawaing-bayan, ngunit ang mga ito’y substandard, mababa ang uri. Kagagawa lang ay sira na, katulad ng nangyari sa P10-milyong Laoag Flood Control Project na isang linggo pagkatapos na mayari ay bumagsak na parang kurtina.
Ang dahilan ay ang kasuklam-suklam na kickbacks. Ayon kay Senator Panfilo Lacson, ang kalakaran ay 10 porsiyentong komisyon sa pulitiko at 5 porsiyento sa ahensiya ng gobyerno. Kung tutuusin, maliit pa nga ang komisyong ito. May kilala akong pulitiko na ang hinihingi ay 20 porsiyento.
Paano pa kumikita ang mga kontratista? Isa lang ang paraan—babaan ang standard: kung kalsada ang pagawain, bawasan at nipisan ang mga bakal, palabnawin ang simento. Kaya’t habang kumakapal ang bulsa ng mga tiwaling pulitiko, lalo namang nalalagay sa panganib ang mga mamamayan. Ang malungkot, ang mga tiwaling pulitikong ito at ang mga miyembro ng kanilang angkan ang paulit-ulit na nananalo sa mga eleksyon dahil may perang pambili ng boto.
Isa sa ipinangako ni Presidente Duterte noong siya’y kumakampanya ay tutuldukan niya ang katiwalian, tulad ng gagawin niyang pagtuldok sa ilegal na droga. Ngunit kung paanong ang ilegal na droga’y nagpapatuloy sa kabila ng libu-libo nang napapatay sa kampanya laban dito, ang katiwalian ay nagpapatuloy din at tila lalo pang lumalala. Walang sumusunod sa sinabi noon ni NEDA Secretary Romulo Neri sa ilang opisyales ng gobyerno “to moderate their greed.” Ngayon, lalong tumitindi ang pagkagahaman ng mga tiwali.
Ibig sabihin, mangangailangan ng higit pa sa isang Presidente Duterte upang masugpo ang katiwalian na sinasabing isa nang kultura sa Pilipinas. Ang kultura ay ginagawa nang hindi na iniisip, sapagkat ito’y bahagi na ng pang-araw-araw na buhay, isa ng “wordview” o pananaw, bahagi na ng tinatawag na “value system.” Hindi ba’t tinatagurian nating mahina ang kukote ng isang opisyales ng gobyerno na nahuli ng pagnanakaw ng maliit na halaga? At tinatagurian nating matalino ang mga nagnanakaw ng bilyun-bilyong halaga ngunit hindi nahuhuli?
Lahat tayo’y may kasalanan kung bakit naging kultura sa atin ang katiwalian. Kung ikaw ay naglagay ng P50 o P100 para makalusot sa isang paglabag sa trapiko, katulad ka rin ng isang kontratistang nagbibigay ng milyun-milyong halaga ng komisyon sa mga tiwaling pulitiko.
Ang Pilipinas ay binubuo ng nakararaming Kristiyano. Karamihan, kundi man lahat, ng mga tiwaling pulitiko at kawani ng gobyerno ay may kinaaanibang simbahan. Taliwas ang katiwalian sa Kristiyanismo. Ano ang nagawa ng simbahan upang bigyang pagpapahalaga ang integridad ng kanyang mga kaanib? Baka sangkatutak pang papuri ang tinatanggap ng mga tiwaling pulitiko kapag nagkakaloob ng donasyon sa simbahan.
Rebolusyon ang kailangan upang buwagin ang kultura ng katiwalian. Ngunit ito’y rebolusyon hindi sa pamamagitan ng armas. Ito’y rebolusyon sa pamamagitan ng pagpapabago ng puso’t isip. Ganito ang wika ni Pablo sa Roma 12:2, “Huwag kayong makiayon sa takbo ng kapanahunang ito. Sa halip, hayaan ninyong baguhin kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip. Sa gayon, mapapatunayan ninyo kung alin ang mabuti, kalugud-lugod at ganap na kalooban ng Diyos.”
Kailangan ang pamilya, ang simbahan, ang gobyerno upang magtagumpay ang rebolusyong ito.
- Latest