Pinakamalaking pagtitipon sa mundo na dadaluhan ng 120-M katao, nagsimula na sa India
ITINUTURING ang Kumbh Mela Festival na ginaganap sa India taun-taon bilang pinakamalaking pagtitipon ng mga tao sa buong mundo.
Mula kasi ngayon hanggang Marso ay tinatayang 120 milyong katao ang dadagsa at maliligo sa punto kung saan nagtatagpo ang tatlong pinakamahahalagang ilog ng India – ang Ganges, Yamuna, at Saraswati rivers.
Kung ikukumpara sa populasyon ng ibang bansa ay mas marami pa ang dadalo sa Kumbh Mela ngayong taon kaysa sa kabuuang populasyon ng Japan.
Ganoon na lang karami ang dumadalo sa nasabing pagtitipon dahil marami sa mga taga-India ang naniniwalang sa pamamagitan ng paliligo sa pinagtatagpuan ng tatlong ilog ay malilinis sila mula sa kanilang mga kasalanan.
Inaasahang 15 hanggang 20 milyong tao ang duma-ting nito lamang nakaraang Martes kung kailan pormal na nagsimula ang Kumbh Mela. Ayon sa mga kinauukulan, maliit pa raw ang bilang na ito kumpara sa 30 milyong tao na dadagsa sa Pebrero 4 na itinuturing na suwerteng araw para sa paliligo sa ilog.
Magtatapos ang Kumbh Mela sa Marso 4.
- Latest