Umiwas sa sakit sa puso, itigil ang paninigarilyo
MADALAS na iniuugnay ang paninigarilyo sa pagkakaroon ng sakit sa puso. Pero walang malinaw na paliwanag kung paano nagdudulot ng alta presyon ang bisyong ito. Napakarami pa namang kababayan natin ang naninigarilyo at waring hindi “cool” ang isang doctor na nagpapayong itigil na ang bisyong ito. Pero sadyang may kaugnayan ang paninigarilyo sa pagtaas ng blood pressure.
Sa isang ginawang pag-aaral, natuklasang sa loob ng 5 minuto matapos humitit ng sigarilyo, ang systolic blood pressure ay tumataas ng higit sa 20 mmHg bago muling bumalik sa normal sa susunod na 30 minuto. Ibig sabihin nito, sa loob ng maghapon na naninigarilyo tayo, paulit-ulit na tumataas ang ating blood pressure. Kung ilarawan ito ng naturang pag-aaral ay “part-time hypertension.” Samakatuwid, kung ang isang taong may BP reading na 120/80 ay hihitit ng sigarilyo, posibleng tumaas ang BP nito sa 140/100 sa tuwing hihitit ng isang stick ng sigarilyo. Bakit nangyayari ito?
Ito ay sapagkat may taglay na nicotine ang sigarilyo. Ang epekto ng nikotina sa katawan ay ang pakitirin ang mga ugat kung kaya’t nahihirapang mag-pump ang puso. Bunga nito, mas bumibilis ang tibok ng puso at tumataas ang BP.
May masamang epekto rin ang mga kemikal sa sigarilyo. Nababawasan nito ang supply ng oxygen ng ating katawan. Ibinababa nito ang level ng “good cholesterol” sa katawan. Pinalalapot nito ang dugo; nagiging mas madikit ang mga blood cells na platelets kaya’t mas mataas ang panganib ng pagkakaroon ng stroke o atake sa puso.
Ang sobrang timbang ay sapat na upang magdulot ng alta presyon. Ang sobrang ilang pounds ay nagdadagdag ng pressure sa puso upang dagdagan pa ang pagbomba nito.
Sinasabing obese ang isang tao kapag lumampas ng 20% sa ating ideal body weight ang ating timbang. Ayon sa Framingham Heart Study, ang mga babaeng obese ay walong beses na posibleng magka-alta presyon kaysa sa mga babaeng nasa tama ang timbang.
Hindi lang ang sobrang timbang ang isyu. Mahalaga ring malaman kung saang bahagi ng ating katawan natin dinadala ang sobrang timbang na ‘yan. Ang mga taong nagtataglay ng sobrang taba sa taas ng baywang ay mataas ang panganib na magkaroon ng alta presyon, diabetes, at mataas na cholesterol.
- Latest