Artista sa Bollywood, binayaran ang $560,000 utang ng mga magsasaka sa India
BINAYARAN ng Bollywood superstar na si Amitabh Bachchan ang mahigit na $560,000 pagkakautang ng mga magsasaka na labis na naapektuhan ng krisis sa agrikultura. Grabeng kahirapan ang nararanasan ng mga pamilyang umaasa lang sa pagtatanim.
Ayon sa isang blog post na inilathala ni Bachchan noong nakaraang linggo, sinagot niya ang utang ng 1,398 magsasaka sa Uttar Pradesh, kung saan siya ipinanganak.
Dagdag pa ni Bachchan, inisyuhan na ng mga banko ang mga magsasaka ng mga dokumento na nagpapatunay na bayad na ang kanilang mga pagkakautang.
Higit sa 50% ng populasyon ang nabubuhay mula sa agrikultura, na bumubuo sa 18% ng GDP ng India.
Maraming pagsubok ang kinaharap ng mga magsasaka sa mga nakaraang taon na dulot ng sunud-sunod na bagyo, pagtaas ng presyo ng krudo at kakulangan ng sapat na suporta mula sa pamahalaan.
Dahil dito, libong magsasaka sa India ang nabaon na sa utang. Ayon sa datos ng gobyerno, nasa 11,772 magsasaka na sa buong India ang nagpakamatay noon lamang 2013 dahil sa kahirapan ng buhay.
Ito ang nagtulak kay Bachchan upang sagutin ang utang ng mga magsasaka. Ayaw niya sanang isapubliko ang kanyang ginawa ngunit ito raw ang nakikita niyang paraan upang mahikayat ang publiko na tulungan ang kanilang mga kababayang nagsasaka.
- Latest