Mabahong dumpsite sa Tanza, Cavite, susugurin ng BITAG, DENR
ISANG e-mail ang natanggap ng BITAG-Kilos Pronto tungkol sa mabahong problema sa Tanza, Cavite. Sumbong ng isang homeowner, ang umaalingasaw na dumpsite sa likod ng kanilang subdivision.
Aniya, araw-araw na parusa ito sa kanila dahil direktang nalalanghap ang masangsang na amoy ng dumpsite. Sanhi rin ito nang pagkakasakit ng mga residente sa lugar.
Dagdag ng nagrereklamo, nadulog na sa kinauukulan at binigyan ng taning ang perwisyong dumpsite. Pero ang aksyon, bulok. Namuti na lang mga mata nila sa kahihintay, wala silang nadamang pagbabago.
May history na pala ang bwisit na tambakan ng basura. Nainspeksyon at nabisita na noon. ‘Yun nga lang, ningas kugon. Natigil saglit, pagkatapos ng ilang buwan, normal operations ulit.
Kapalmuks at hindi umubra sa lokal na gobyerno. Ngayong nakaabot na sa BITAG, uubra pa kaya kayo?
Humingi na kami ng kilos prontong tulong at resbak sa Department of Environment and Natural Resources (DENR). Nakitaan agad ni DENR Undersecretary Benny Antiporda ng mga paglabag.
Ang mga dumpsite, mayroong mga alintuntunin na dapat sundin para iwas insidente. Tulad nitong inirereklamo na nakakaapekto sa kalusugan ng tao. Kung kinakailangan, ipahuhuli ni Usec ang mga lintik sa likod ng bastos na dumpsite.
Tiwala kami sa kakayanan ng DENR na maayos ito, sa pamumuno si Secretary Roy Cimatu. Silent achiever, worker, accomplisher, less talk… puro work. Di tulad ng iba diyan, puro ngakngak. Puro iyak. Bato-bato sa langit.
Habang sinusulat ko itong column na ito, kasalukuyang iniimbestigahan ng aming team ang lugar kasama ang grupo ng DENR. Ang update, abangan!
Kung kayo’y may ganitong sumbong, ‘wag nang magpatumpik-tumpik. Lumapit sa aming action center o kaya naman ay mag-iwan ng mensahe, kasama ang pictures at videos sa aming mga lehitimong Facebook pages at sa aming e-mail address, [email protected]
- Latest