EDITORYAL - Bantayan, mga ganid na negosyante
TUWING nagkakaroon ng kalamidad gaya ng bagyo, sinasamantala ito ng mga ganid na negosyante. Sila yung mga negosyante na walang alam kundi ang kumita nang kumita, kahit pa nalalaman nilang wala nang ikakaya ang mga nabiktima ng bagyo. Kahit pa alam na nasira na ang mga pananim, bahay at iba pang ari-arian, itataas pa rin nang todo ng mga ganid na negosyante ang kanilang paninda. Wala silang pakialam at konsensiya.
Ngayong maraming mamamayan ang napinsala ng Bagyong Ompong sa Northern Luzon, tiyak na marami na namang matatakaw na negosyante ang magsasamantala. Binayo ni Ompong ang mga probinsiya sa Hilagang Luzon noong Sabado at mahigit 30 na ang naiulat na namatay dahil sa pagguho ng lupa. Karamihan sa mga namatay ay taga-Itogon, Benguet at sa Nueva Vizcaya. Pinakamatinding napinsala ng bagyo ang Cagayan kung saan ito nag-landfall. Nakalabas na ng bansa ang bagyo noong Sabado ng gabi.
Tiyak na magsasamantala ang mga negosyante pagkaraan ng bagyo. Ang malaking kikitain ang kanilang iniisip. Papatungan nang malaki ang mga pangunahing pangangailangan gaya ng semento, kahoy, coco lumber, yero, pako, hollow blocks at iba pa.
Papatungan din ang presyo ng bigas, asukal, mantika, kape, sardinas at marami pang pangunahing pangangailangan. Tanging ang pagkita ng pera ang mahalaga sa kanila. Hindi nila iniisip ang kalagayan ng kapwa na hinagupit ng bagyo.
Nararapat na bantayan ng Department of Trade and Industry (DTI) ang mga negosyante sa lugar na tinamaan ng bagyo. Hindi nararapat makapagsamantala ang mga ganid na negosyante. Kapag napatunayang nagpatong sila nang sobra-sobra tangalan ng lisensiya at ipagharap ng sumbong. Hindi sila dapat patawarin.
- Latest