EDITORYAL - Ganid na rice hoarders
BAGO tumulak patungong Israel si President Duterte, binalaan niya ang mga negosyanteng nagtatago o nagho-hoard ng bigas na ipaaaresto niya ang mga ito sa pulis o sundalo. Ipag-uutos din umano niya ang pag-raid sa mga bodega ng bigas. Lahat daw nang pinaghihinalaang bodega na may bigas ay ipasasalakay niya. Kasabay ng banta niya sa rice hoarders, sinabi niya bago umalis na walang kakapusan sa supply ng bigas sa bansa.
Mula pa Enero ng taong kasalukuyan, tumaas nang tumaas ang presyo ng bigas. Halos umabot sa mahigit P50 ang bawat kilo. Hanggang sa mawala ang NFA rice sa mga pamilihan. Halos pumila ang mga tao para lamang makabili ng bigas pero ang masaklap, bukod sa nagmahal ay wala pang mabili. Noong nakaraang buwan, nagkaroon ng rice crisis sa Zamboanga. Walang mabili ang mga tao. Hindi nila malaman kung bakit nagkulang ang bigas. Wala ring NFA rice sa maraming bahagi ng bansa.
Sabi naman ng National Food Authority (NFA), paparating na ang bigas mula Vietnam at Thailand. Pero nang dumating, maraming nadismaya sapagkat may mga bukbok. Kailangan pang isailalim sa fumigation para mapalayas ang mga bukbok. Marami tuloy ang nangamba na baka masama sa kalusugan ang bigas na dumaan sa fumigation. Sabi ng NFA, hindi raw. Para ipakitang ligtas, sabay-sabay na kumain ng kanin na idinaan sa fumigation. Pati si Agriculture Sec. Emmanuel Piñol ay nagpatunay na ligtas kainin ang bigas na nagkabukbok. Binatikos lamang si Piñol dahil sa suhestiyon na gawing legal ang smuggling ng bigas. Hindi naman nararapat ang kanyang payo.
Ang pagho-hoard ng bigas ang dahilan kaya kinukulang ang supply. Tinatago ng mga ganid na negos-yante sa kanilang bodega. Dapat lang na salakayin ang mga bodega na pagmamay-ari ng mga negosyante. Noong SONA ng Presidente, sinabi nito na kilala niya ang mga nagho-hoard ng bigas. Kung kilala na pala niya, bakit hindi pa niya ipinaaresto para hindi na nagkaroon ng kakulangan sa bigas. Ang mga ganid na hoarders ang nararapat i-tokhang para mawala ang problema sa bigas. Gawin na ito ngayon.
Kung naipakita ng Presidente ang tapang laban sa mga sindikato ng droga, mga corrupt sa pamahalaan at mga criminal, mas lalong dapat siya magpakita ng kabangisan sa mga nagtatago ng bigas. Hindi dapat kaawaan ang mga negosyanteng nagtatago ng bigas habang marami ang nagugutom.
- Latest