Daluhan agad ang sugat (Unang bahagi)
MALIIT man o malaki, ang mga sugat kapag hindi dina-luhan, ay maaaring magdulot ng problema o kumplikasyon. Hindi matatawaran ang first aid measures na puwede nating gawin sa anumang uri ng sugat: gasgas o galos, kagat ng insekto, kagat ng aso, sugat na dulot ng hiwa o operasyon, bedsore, maski sugat man ito ng isang diabetiko na kay tagal gumaling.
Madalas kasi ay minemenos natin ang mga sugat-sugat na ‘yan. Katwiran ng matatanda, “malayo ito sa bituka.” Pero paano kung ang isang simpleng sugat ay napabayaan, lumala, at nauwi na sa kumplikasyon?
Ano ang pinakamabisang paraan ng paggamot ng sugat?
Dapat agapan ang anumang sugat sa katawan gaano man ito kababaw. Matapos masugatan, hugasan agad ito at sabunin. Iyon ay para mabawasan agad ang mikrobyong papasok sa katawan sa pamamagitan ng sugat. Mababawasan ang panganib ng impeksyon kung gagamutin ito ng mga antiseptic gaya ng 70% alcohol (mas maigi ang 70% sapagkat mas may kakayahan itong makapatay ng mikrobyo kaysa sa mga preparasyong 40 %), agua oxinada (hydrogen peroxide) at Povidone Iodine.
Puwede ring pahiran ng topical antibiotic ointment ang sugat matapos itong malinis ng mga naturang antiseptic upang mapabilis ang paggaling. Maipapayo ring takpan ng gasa ang sugat upang mapanatili itong malinis. May pagkakataong kailangang samahan ng pag-inom ng antibiotiko upang mapabilis ang paghilom ng sugat.
Bakit mahalagang gamutin agad ang sugat?
Kung hindi agad gagamutin ang sugat, puwede itong maimpeksyon dahil mas maraming mikrobyo ang mananahan dito. Kapag nagnana pa ang sugat, bukod sa panganib sa kalusugan, mas nagiging matagal ang paghilom ng sugat. Nag-iiwan pa ito ng mga di kanais-nais na peklat sakaling gumaling ito. Kung sakali namang bumuka ang balat dahil sa malalim na hiwa o pumutok ang balat dahil sa aksidente, maiging tahiin agad ang sugat upang mapagdikit ang naghiwalay na balat. May ginagamit namang local anesthesia (pampamanhid) upang wala tayong maramdaman kapag tinatahi ang sugat.
Kung hindi tatahiin agad, mag-iiwan ito ng malalaking pilat sa balat. Sa espasyo kasing nalikha ng naghiwalay na balat ay magsisimula agad na magparami ang tinatawag na “granulation tissue.” Pinupunan nito ang guwang na nalikha upang masarhan ang balat na nagkahiwalay (dahil sa hiwa o pressure ng pagbagsak). Ang “granulation tissue” na ito ang nagsisilbing peklat o pilat. Maaaring maganda ang intensyon ng granulation tissue sa pagnanais nitong ma-repair ang puwang na nalikha ng nagkahiwalay na balat pero ito ang nagsisilbing pilat. Kung tatahiin agad ang sugat na bumuka, wala ng pagkakataon pang okupahin ng granulation tissue ang nasabing lugar. Huwag nang maghintay pa ng ilang araw bago magpasyang ipatahi sa ospital ang bumukang sugat.
(Itutuloy)
- Latest