EDITORYAL - Noon pa dapat nagmura at nagalit
UNANG pagkakataon na nagalit at napa-putang-ina si President Duterte sa China. At nagbanta pa siya na maaaring pagmulan ng giyera ang ginagawang oil exploration ng China sa West Philippine Sea (WPS). Ayon sa Presidente, kaibigan ang turing niya kay Chinese President Xi Jinping kaya hindi muna niya iginigiit ang hatol ng Hague court na pag-aari ng Pilipinas ang mga isla sa WPS pero nga-yong minomonopolya umano ng China ang oil exploration, hindi siya papayag. Talaga raw sisiklab ang giyera. Ang banta ng Presidente ay inihayag niya nang magtalumpati sa pagtitipon ng League of Municipalities (LMP) sa Cebu City noong Martes ng gabi.
Sabi pa ni Duterte, kung sosolohin ng China ang oil exploration sa WPS talagang gugulo. Ibang usapan na raw kapag oil ang kinuha. Magkakade-perensiya na raw talaga ang Pilipinas at China. Tiyak daw na magdadala na ng itak si Gen. Eduardo Año para pagtatagain ang mga Intsik.
Iyon ang unang pagkakataon na nagpakita nang pagtutol si Duterte sa ginagawa ng China sa mga teritoryong sakop ng Pilipinas. Kahit marami nang nilabag ang China at ilang ulit nang tinaboy ang mga Pinoy na mangingisda sa mga islang sakop ng Pilipinas, hindi siya kumikibo o nagsasalita man lang. Kahit nga marami nang istrukturang ginawa ang China sa mga isla, walang naririnig sa kanya. Ang tanging sinasabi niya ay ayaw niyang makipag-away sa China. Hindi raw niyang magagawang makipaggiyera.
Pero ngayon ay nagbago na ng tono ang Presidente. Maaring ito na ang simula nang kanyang pagtutol sa mga ginagawa ng China. Nakikita na ng Presidente ang tahasang paglabag ng China kahit itinakda ng international court na pag-aari ng Pilipinas ang mga isla sa WPS. Maraming pupuri kung patuloy siyang aaksiyon sa usaping ito na nararapat naman sapagkat ari talaga ng Pilipinas ang ini-explore ng China.
- Latest