^

Punto Mo

Mag-impok sa halip na manisi

USAP TAYO - Pastor Joey Umali - Pang-masa

PARA sa isang tumatanggap ng minimum wage o mas mababa pa kaysa rito, ang pagtaas ng halaga ng bilihin o serbisyo ay isang isyu na mas malapit sa sikmura kaysa isyu ng pederalismo at iba pang ismo. Ang sikmura ang pinakamakapangyarihang ideology. Tumataas ang halaga ng bilihin at serbisyo habang bumababa ang halaga ng piso. Ayon sa economists, ang P5,000 ngayon ay nagkakahalaga na lamang ng P4,700, bagama’t pinoprotesta ito nang marami sa paniniwalang P4,000 na lamang ang totoong halaga ng P5,000.

Sa economics, ang tawag dito’y inflation. Noong nakaraang Hulyo, umabot sa 5.7% ang inflation rate, ang pinakamataas sa loob ng limang taon. Noong 2016, ang inflation rate ay 1.9% at noong 2017 ay 2.9%. Diumano, ang sitwasyong ito’y papunta na sa krisis para sa kasaluku-yang gobyerno, sapagkat darami pa ang bilang ng mga Pilipinong maghihirap at magugutom.

Paano haharapin ang problema?  May mga nagsasabi na ihinto ang pagpapatupad ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law na nagpapataw ng mas mataas na buwis sa mga basic goods and commodities na tulad ng softdrinks at iba pang produktong ginagamitan ng asukal at nagpapababa naman sa ibinabayad na buwis ng mga middle income earners, samantalang wala nang babayarang buwis ang mga minimum wage earners. Ngunit dahil sa pagtaas ng halaga ng bilihin at serbisyo, mababalewala ang lahat ng ito. Mayroon ding nagpapanukala na bawasan o alisan ng taripa ang pag-angkat ng ilang mga produkto na tulad ng bigas.  Pero, makakaapekto naman ito sa mga magsasaka rito sa atin.

Habang naghahanap ng solusyon ang gobyerno, kailangan din tayong maghanap ng personal na solusyon. Ang isang mabisang solusyon ay ang palagiang pag-iimpok. Wika nga ng ating kasabihan, kapag may isinuksok, may madurukot.  Ayon sa pag-aaral, ang Switzerland ang may pinakamataas na record sa pag-iimpok. Halos lahat ng mamamayan nito’y may impok sa banko. Dito sa atin, ayon sa ginawang pag-aaral ng Banko Sentral ng Pilipinas, isa lamang sa bawat apat na Pilipino ang nag-iimpok.  Ang mga impok ay karaniwang itinatago lamang sa bahay at hindi sa banko.

Maaaring ikatwiran mo na mayaman ang Switzerland, mataas ang kinikita ng mga mamamayan nito, kaya’t mayroon silang naiimpok. Tama rin naman, ngunit ang mahalaga rito’y ang kultura. Kailangang magkaroon tayo ng kultura ng pag-iimpok, sa halip na kultura ng laging paggastos. Minsan, tinanong ang bilyonaryong si Henry Ford kung ano ang sikreto ng pagyaman.  Ang sagot niya, “Huwag gagasta nang higit sa kinikita.” 

Saan puwedeng manggaling ang iimpukin?  Marami. Halimbawa, huwag ka nang iinom ng softdrinks o alak,  ihinto mo na ang paninigarilyo kung ikaw ay naninigarilyo, mapapangalagaan mo pa ang iyong kalusugan. Ihinto mo na ang anumang bisyo, kung may bisyo ka. Bawasan mo ang pagte-text para makatipid sa pagbili ng load. Huwag nang magmimiryenda ng  junkfoods, palitan ito ng mura at masusustansyang pagkain na katulad ng kamote. Mag-isip ng paraan ng ibang  mapagkakakitaan. Maging malikhain!

Samakatuwid, ang mahalaga ay ang pagbabago sa takbo ng pag-iisip tungkol sa mga bagay na nakaugalian. Wika ni Pablo sa Roma 12:2, “Huwag kayong makiayon sa takbo ng kapanahunang ito. Sa halip, hayaan ninyong baguhin kayo sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip.” 

Huwag puro batikos at paninisi.  Mayroon kang magagawa para sa iyong sarili, sa kabila ng marahil ay paniniwala mong ikaw ay mahirap.  Mayaman ka sa maraming kaparaanan! Take control of your self, wika sa English.

MAG-IMPOK

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with