Tupa sa Australia na may 30 kilong balahibo, nagupitan na sa wakas
ISANG tupa sa Australia ang nakakapaglakad na ng normal ngayon matapos magupitan ng napakakapal na balahibo.
Sa pamamagitan ng isang social media post na naging viral ay ipinakita ni Graeme Bowden ang litrato ng kanyang alagang tupa na si “Shrek 2”. Kapansin-pansin sa retrato ang sobrang kapal na balahibo ng tupa, dahilan upang halos hindi na makita ang ulo nito.
Matapos magupitan ang tupa, napag-alamang abot na pala sa 30 kilo ang taglay nitong balahibo na nasa 13 pulgada ang haba. Ang nasabing timbang ay mas mabigat ng limang beses sa karaniwang balahibo ng mga tupa.
Tamang-tama naman ng paggupit sa balahibo ni Shrek 2 dahil nagkataong mataas ngayon ang presyo ng wool sa merkado. Sa pamamagitan daw ng halagang makukuha niya mula sa pagbebenta ng balahibo ay makakabili siya ng sapat na pagkain sa iba niyang mga alaga.
Pagsasaka ang ikinabu-buhay ni Bowden, na nakatira sa Coonabarabran sa New South Wales, 450 kilometro mula Sydney.
- Latest