Bello vs Paras, sino’ng mas matikas?
HABULIN ng kontrobersiya si dating congressman at kasalukuyang Labor Undersecretary Jacinto Paras. Matapos maakusahan na nagnakaw ng mamahaling cell phone ng isang party-list representative sa kainitan ng hearing sa Kongreso, aba’y nagkainitan din sila ni Sen. Antonio Trillanes. At ngayon, inaakusahan naman siya na nasa likod ng pag-atake kay Labor Sec. Silvestre Bello, na maliban sa miyembro ng peace panel ng gobyerno sa peace talks sa komunista ay kandidato rin sa pagka-Ombudsman. Hehehe! Lumalabas mga kosa na gustong mapatalsik ni Paras si Bello sa Department of Labor para palitan niya? Ano ba ‘yan? At parang alam din ni Bello na si Paras ang utak ng smear campaign laban sa kanya kaya sa isang press conference noong Martes ay hindi isinama ang huli sa pulong. Habang naghihintay ang DOLE reporters na mag-umpisa ang presscon, biglang nagsalita si Bello na kung maari ang mga hindi imbitado ay lumabas sa kuwarto. Siyempre, lahat nang media ay nakatingin kay Paras na mukhang ayaw lumabas dahil, ayon sa kanya, may imbitasyon siya. Hak hak hak! Boom Panes!
Sa totoo lang, walang hinanakit si Bello kay Paras kahit open secret na sinusuwag siya. Nang magkita kasi sila sa presscon, aba’y nagkamayan pa. Ibinulgar ni Bello na mayroong mga tao sa loob at labas ng DOLE na nagpapantasya at kumikilos upang mapatalsik siya. Kasama kaya si Paras sa pinatatamaan ni Bello? Ano sa tingin mo kosang Rolly Francia Sir? Kapansin-pansin kasi mga kosa na nitong nakaraang linggo, sunud-sunod ang mga balitang isinasangkot si Bello sa iba’t ibang irregularidad tulad ng diumano’y pangingikil sa isang may-ari ng recruitment agency. Sa totoo lang, nagsimula ang pag-atake kay Bello nitong taon na ito matapos maghanda ang kanyang departamento na mag-implement ng ID system sa OFWs. Pinahinto ni Bello ang ID system matapos mabatid na may grupong naniningil dito imbes na dapat ay libre itong ipamimigay sa OFWs. Ang isyu na ito ay sinakyan ng isang kongresista. Hak hak hak! May kontak talaga ang mga kalaban ni Bello sa mga pulitiko, ano mga kosa?
Ang maganda lang nito mga kosa, kahit hindi pinangalanan ni Bello kung sinu-sinong opisyal sa loob at labas ng DOLE na gustong masibak siya, aba inamin ni Paras na maaring siya ang napagbintangan ng amo niya. Inamin ni Paras na siya ang nagsama sa recruiter sa Presidential Anti-Crime Commission (PACC) kung saan gumawa ito ng affidavit na nag-aakusa ng umano’y pangingikil ng milyones sa recruiter nga. Pinirmahan ang naturang affidavit sa harap mismo ni President Digong. Sa pagkaalam ko mga kosa, ang isyu na pangingikil na ito ang isa sa mga dahilan kung bakit natanggal sa puwesto si dating Labor Undersecretary Dominador Say. Sinabi naman ni Paras na ipagpapatuloy lang niya ang trabaho bilang Usec ng DOLE at iginiit na wala siyang kinalaman sa mga kaso na ibinabato sa kanya ni Bello. Hak hak hak! Kayo na ang bahalang maghusga kay Paras mga kosa!
Nagtataka naman si Bello kung bakit marami ang nagnanais na palitan siya sa puwesto eh abo’t langit ang trabaho sa kanyang departamento? Bakit nga ba mga kosa? Sa pagkaalam ko mga kosa, isa rin si Bello sa napipisil na mamuno sa Ombudsman kaya kaliwa’t kanang atake ang ibinabato sa kanya. Eh sa araw na ito maglalabas ng shortlist nang pagpilian ni Digong ng kasunod na Ombudsman sa pagretiro ni Conchita Morales. Magtatagumpay kaya ang mga kritiko ni Bello na maharang ang appointment niya sa Ombudsman? Ano sa tingin mo kosang Rolly? Abangan!
- Latest