Pinakamahabang lunar eclipse sa Hulyo 27
NAPAULAT kamakailan na magaganap sa Hulyo 27, 2018 ang pinakamahabang total lunar eclipse ng siglong ito na tiyak na ikakamangha nang maraming tao sa mundo. Araw ng Biyernes ito magaganap na tatagal nang apat na oras at makikita sa maraming panig ng daigdig tulad sa Europe, Asia, Australia, Africa. South America at Middle East.
Sinasabi ring tatagal ng isang oras at 43 minuto ang totality o kapag tinakpan na nang buo ng anino ng daigdig ang buwan na lilikha ng ganap na kadiliman. Ayon sa mga astronomer, mas maganda umanong matatanaw ang eclipse mula sa mga lugar sa eastern Africa, Middle East, at ilang bahagi ng Europe at Asia.
Nagaganap ang lunar eclipse kapag ang daigdig ay nasa pagitan ng buwan at araw na dahilan para matabunan ng anino ng daigdig ang buong buwan. Ayon sa National Aeronautics and Space Administration ng United States, sa totality ng eclipse na ito ay nagiging mapula ang buwan dahil sinasalamin sa buwan ang liwanag na bumabaluktot sa atmosphere ng daigdig sa panahon ng pagsikat at paglubog ng araw.
Sinasabi pa ng mga dalubhasa sa astronomiya na espesyal ang total lunar eclipse sa Hulyo 27 dahil sa tagal ng totality nito. Ipinaliwanag ng astronomy professor ng Massachusetts Institute of Technology na si Dr. Amanda Bosh na magiging napakalayo ng buwan mula sa daigdig sa panahon ng eclipse at tinatawag na apogee ang kaganapang ito. Dahil dito, mas babagal ang galaw ng buwan kumpara sa panahong mas malapit ito sa daigdig. Kaya ang totality ng eclipse ay tatagal nang isang oras at 43 minuto. Pinakamahabang lunar eclipse ng siglo ang magaganap umano sa Hulyo 27.
Yung makakatanaw nang maganda sa eclipse ay makikita ang pinakamahalagang bahagi nito kapag nagsimula nang tabunan ng anino ng daigdig ang buwan, kapag naging pula ang kulay ng buwan, at kapag nagsimula nang umurong ang anino. Sa kabuuan, tatagal ito nang apat na oras.
Ang mga mapapalad na makakakita sa kabuuan ng 2018 lunar eclipse ay masuwerte ring makikita ang Mars at Milky Way na nasa kaliwa ng buwan.
- Latest